ITATAYA ng defending champion Creamline ang ang imakuladang marka sa pakikipagtuos sa Banko Perlas ngayon sa PVL Season 3 Open Conference sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Hawak sa kasalukuyan ng Cool Smashers ang solong liderato taglay ang 3-0, panalo-talo, habang hindi naman nalalayo sa kanila ang Perlas Spikers na may 2-1 kartada.
Magtutuos ang dalawang koponan ganap na 6:00 ng gabi para sa tampok na laro ng nakatakdang triple bill na kinabibilangan ng tapatang Choco Mucho at Pacific Town Army sa unang laban ganap na 2:00 ng hapon at salpukan ng Balipure at Air Force ganap na 4:00 ng hapon.
Huling tinalo ng Creamline para sa ikatlong sunod nilang tagumpay ang Chef’s Classic nitong Linggo, 25-12, 25-5,
25-15 habang nakabalik naman sa win column ang Banko matapos mabigo sa ikalawa nilang laro sa kamay ng Pacific Town Army nitong Sabado makaraang padapain ang Air Force, 25-13, 25-18, 25-19.
Sa unang laban, mag-uunahang makapagtala ng ikalawang sunod nilang panalo ang baguhang Choco Mucho at ang Pacific Town Army.
Masusubukan ang tatag ng Flying Titans kontra sa mas beteranong koponan ng Lady Troopers.
Samantala, sa gitnang laro, makaahon sa kinalalagyang three-way tie sa ilalim ng standings kasalo ng Chef’s Classic na wala pang panalo matapos ang unang dalawang laro ang kapwa tatangkain ng Purest Water Defenders at ng Jet Spikers.
-Marivic Awitan