TILA wala sa inaasahan, iniutos ni United State President Donald Trump na pag-aralan ang posibleng pagbili sa Greenland, base ito sa isang ulat na inilabas ng Washington Post at Wall Street Journal nitong nakaraang Biyernes, Agosto 16. Ang Greenland, ang pinakamalaking isla sa mundo at bahagi ng Kingdom of Norway, na matatagpuan sa kanluran ng Amerika malapit sa North Pole.
Sinalubong ng pagkutya ang ulat mula sa iba’t ibang sektor. Sa tweet ni Greenland Ministry of foreign Affairs sinabi nitong: “Greenland is rich in valuable resources such as minerals, the purest water and ice, fish stocks, seafood, renewable energy, and is a new frontier for adventure tourism. We’re open for business, but not for sale.”
Heograpikal, higit na mas liblib ang Greenland kumpara sa Pilipinas, na malapit sa ekwador. Ngunit dulot ng nagbabagong klima, nagbabago ang mukha ng mundo sa paraang ang dating nagyeyelong lugar tulad ng Greenland ay umaangat ang atraksyon para panirahan ng tao at paunlarin.
Nitong Linggo, opisyal na minarkahan ng Iceland, kalapit na bansa ng Greenland, ang tuluyang pagkatunaw ng una glacier, ang OKJokull, kasama ng paglalantad ng isang plake, na nagsasaad na “the first monument to a glacier lost to climate change anywhere in the world.” Mababasa rin sa plake ang: “In the next 200 years, all our glaciers are expected to follow the same path.”
Dahil sa lokasyon nito sa liblib na hilaga, ang Greenland, na may lawak na halos dalawampung porsiyento ng US, ay mayroon lamang 57,000 katao. Ngunit dulot ng nagbabagong klima, nagiging kaakit-akit ito para sa maraming bansa. Nagsimula nang magpadala ang China ng siyentipikong misyon noong 2004, at katuwang ang isang kumpanya mula Australia, may karapatan na itong magmina sa lugar.
Nagiging aktibo na rin ang Russia sa polar region. Sa isang talumpati nitong Mayo sa Finland, binatikos ni US Secretary of State Mike Pompeo ang Russia at China para sa umano’y “aggressive behavior” ng dalawa sa bahagi ng Arctic. Nanatili ang hilagang base ng US Air Force sa Thule, Greenland. Itinatayo ito noong 1943 bilang unang linya para sa pagbabantay laban sa posibleng pag-atake ng Russia. Hanggang ngayon, nananatili ang early warning radar system nito na tumutulong protektahan ang Hilagang Amerika.
Higit sa anggulo ng seguridad, ang pagkatunaw ng mga yelo sa polar ay nagbubukas ng bagong ekonomikal na oportunidad, ayon sa isang opisyal ng Heritage Foundation. Nagpahayag siya ng pangamba hinggil sa tumataas na pamumuhunan na ginagawa ng China sa Greenland.
Ang lahat ng ito ay maaaring magpaliwanag ng biglaang interes ni Pangulong Trump sa Greenland. Nagiging bagong hangganan ito para sa pandaigdigang labanan na matagal nang nangyayari sa ating bahagi ng mundo. Ang Pilipinas, na ang lokasyon ay nasa bungad ng Asya mula sa Pasipiko, ay matagal nang sentro ng agawang ito. Sa pagtaas ng kritikal na isyu ng pagbabago ng klima, ang Greenland ang bagong sentro ng atensyon ng mundo.