BAKIT hindi napasama sa 3rd Pista ng Pelikulang Pilipino ang pelikulang Just A Stranger nina Anne Curtis at Marco Gumabao na idinirek ni Jason Paul Laxamana for Viva Films? Ito ang iisang tanong ng mga katoto at bloggers na nanood ng premiere night ng Just A Stranger nitong Lunes, Agosto 19.

Anne at Marco

Pakiwari namin dahil mabigat sa dibdib ang kuwento ng pag-iibigan ng May-December affair nina Mae (Anne) at Jek Jek (Marco)? O baka naman naisip ng mga hurado sa PPP3 na mas magandang panoorin ang Just A Stranger na walang maraming kasabay na local films.

May dahilan naman pala si Direk Jason sa sinabi niya sa presscon na nagtataka siya kung bakit hindi nakapasok ang Just A Stranger sa PPP3.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Anyway, para sa amin ay di hamak na nagustuhan namin ang Just A Stranger kaysa sa dalawang naunang entry ni Direk Jason na puro daldalan at nakailang hikab kami dahil sa antok sa sinehan habang pinapanood namin sina JC Santos at Bela Padilla na parehong bida sa pelikula.

Going back to Just A Stranger, give away ang trailer ng pelikula kung saan nahulog ang loob sa isa’t isa ng may edad na babae at ng lalaking kalahati ng edad niya. At siyempre may sex scenes dito dahil nga sabi ni Anne, “story of a one-night stand.”

Pero sa one-night stand na ‘yun nagsimula ang wagas na pagmamahalan nina Mae at Jek Jek.

Maganda, mayaman at matalino ang karakter ni Anne na nakapangasawa ng mayaman at sikat na gagampanan ni Edu Manzano bilang si Phil. Ginawa nitong trophy wife ang asawa dahil inirarampa sa lahat ng lakad.

Iyon ang masakit para kay Anne dahil alam niyang pang-display lang siya ni Edu, kasi kahit walang panahon sa kanya, pinapalitan naman nito ang pagkukulang sa pamamagitan ng pagbibigay ng lahat ng luho sa buhay. Isa na nga rito ang pagbabakasyon sa ibang bansa.

Sa Lisbon, Portugal nakilala ni Anne si Marco na pumayag sa isang gabing ligaya dahil nga malungkot si Anne bilang trophy wife. Naalaala tuloy namin ang Korean dramang Encounter na umeere ngayong sa ABS-CBN na pinagbibidahan nina Park Bo Gum at Song Hye-kyo na nagkakilala sa Cuba at muling nagkita nang bumalik sila ng Korea.

Inakala ni Anne na mababaon na niya sa limot ang isang beses na pangangaliwa niya sa asawa pero hindi ito nangyari, dahil muli silang nagkita sa isang museum kung saan tourist guide si Marco. Dito na nauwi sa seryosong relasyon ang dalawa.

Batang maituturing si Marco na halos anak na nga ni Anne pero sa binatilyo niya natagpuan ang true love na hindi niya naramdaman kay Edu.

Sobra siyang inaalagaan ng bagets kapag maysakit siya, ipinagluluto, ipinaglilinis ng bahay, sinasamahan hangga’t hindi siya okay, bagay na hindi nagawa ng asawang si Edu, kaya tuluyang nahulog ang loob ni Anne kay Marco. Hindi nagtagal ay nabuking sila ni Edu at pinapili si Anne kung si Marco ba ang ipaglalaban o mananatiling asawa niya.

Iniwan ni Anne ang marangyang buhay kapalit ng kahirapan para kay Marco at hindi na sila nagtatago. Pero sa kabilang banda, may girlfriend pala ang binatilyo sa katauahn ni Febbie. Dumating ito sa Pilipinas galing Amerika para sa bansa gawin ang thesis.

Siyempre nagselos si Anne at tinanong kung bakit hindi hiwalayan ni Marco si Febbie at dito na ipinagtapat ng binata na hindi niya kayang suwayin ang gusto ng magulang niya. Si Febbie kasi ang gusto ng mga magulang na mapangasawa ni Marco. Ayaw niyang may nasasaktang tao kaya susunod na lang siya, ngunit pagod na sa pagiging robot ang binata.

Hanggang sa nag-desisyon si Anne na maghiwalay na sila ni Marco pero hindi pumayag ang huli at nangakong magbabago at pagbalik niya ay bagong Marco na ang kaharap, may sarili ng paninindigan at nakiusap na hintayin siya.

Sobrang sakit ng nangyari sa ending, mabigat sa dibdib.

Ang galing ni Anne at sa katunayan ay dalawang beses siyang pinalakpakan sa mahahaba niyang linya at gayundin si Marco. Iisa ang narinig namin tungkol sa kanya, “ang galing palang umarte ni Marco”.

Oo nga, ito ang pinakamagandang pelikula ni Marco na napanood namin at bagay sa kanya ang karakter niyang 19-year old.

Hindi ang sex scenes nina Anne at Marco ang panghatak ng pelikula base sa trailer kundi ang magandang kuwento nito. May tanong kami sa mga scriptwriter at direktor, bakit kadalasan ay hindi nagkakatuluyan ang May-December relationship?

Ngayong araw, Miyerkules, ang showing ng Just A Stranger nationwide at R-16 ang ibinigay na rating ng MTRCB dahil sa maseselang eksena at lengguwaheng sinabi ni Anne sa pelikula.

-REGGEE BONOAN