DAHIL sa matinding hapo dulot ng pagsabak sa magkasunod na laro sa loob ng apat na oras, nabigo ang University of Santo Tomas na maiuwi ang titulo ng 2019 NBA 5v5 na idinaos sa Oriental Pearl Radio & TV Tower sa Shanghai, China.
Nabigo ang Growling Tigers sa mas nakapahingang Zhongtian Qilin Society, 67-86, sa finals ng torneo noong Linggo ng gabi, ilang oras pagkatapos ng naging panalo nila sa semifinals upang tumapos na pangalawa sa dalawang araw na torneo na tinampukan ng mga pangunahing amateur teams sa China, Hong Kong, South Korea, at Japan.
Kumpara sa kanilang nakatunggali na nakapahinga ng tatlong oras bago sumabak sa finals, hindi nakuhang sumabay ng Tigers sa ZQS di gaya sa nauna nilang panalo kontra DK Basketball at Dispatch.
Pinakamalapit nilang inabot ay makadikit hanggang pitong puntos sa iskor na 55-62, msmay 4:27 pang natitora sa laro matapos ang rriple ni skipper CJ Cansino.
Mula doon ay pinasadahan sila ng 23-10 run ng ZQS upang selyuhan ang panalo at premyong RMB 500,000.
Nanguna para sa Tigers si Soulemane Chabi Yo na bigong umiskor sa fourth period sa ipinoste nitong 21 puntos at 15 rebounds.
Kasama nila sa 10-man UST team sina Rhenz Abando, Mark Nonoy, Renzo Subido, Brent Paraiso, Enrique Caunan, Zachy Huang, Deo Cuajao, and Ira Bataller.
-Marivic Awitan