“JUST a whiff of corruption.” Meaning, “Kahit higing lang ng katiwalian.” Banta ito ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa mga puno ng mga departamento at opisyal ng mga ahensiya na sisibakin sila agad kapag may nahingingan o narinig siyang anomalya sa kanilang tanggapan.
Sinsero si Mano Digong sa paglaban sa kurapsiyon. Sapul nang maupo bilang presidente, marami na siyang pinalayas sa puwesto, kabilang ang malalapit na kaibigan, at mga taong humikayat sa kanyang tumakbo sa panguluhan. Palakpakan ang mga mamamayan.
Habang sinusulat ko ito, napaulat na dalawang miyembro ng gabinete ni PRRD ang iniimbestigahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) dahil umano sa kurapsiyon. Ayaw sabihin ni PACC Commissioner Greco Belgica ang kanilang pangalan.
Aba, Mr. Belgica kung atubili kang pangalanan sila, ibigay mo ang impormasyon sa ating Pangulo at hayaang siya ang maghayag nito sa publiko. Sanay ang ating Presidente sa paghahayag ng mga pangalan ng mga tao at opisyal na sangkot sa illegal drugs at kawalang-hiyaan.
Hinangaan at bumilib ang mga Pinoy kay PDu30 nang ihayag niya noon ang pangalan ng mga Heneral na umano’y sangkot sa ilegal na droga. Hiniya niya sa publiko ang mga ito bagamat wala pa namang kaso laban sa kanila. Ang pinagbasehan yata ng Pangulo ay ang listahan ng mga drug lord at protector na ibinigay sa kanya ni dating AFP chief of staff Gen. Dionisio Santiago, na hinirang din niya bilang puno ng Dangerous Drug Board (DDB). Dakong huli, tinanggal niya sa DDB si Gen. Santiago.
Hiniya rin niya sa publiko ang mga politiko, kongresista, gobernador, mayor, barangay captain na sangkot din daw sa ilegal na droga. Ngayon, nagtatanong ang mga netizen at mamamayan kung bakit umiiwas at ayaw pangalanan ni Mr. Belgica ang dalawang cabinet member na iniimbestigahan nila sa kurapsiyon. Ibigay mo sa Pangulo ang kanilang pangalan.
Bukod sa dalawang miyembro ng Duterte cabinet, iniimbestigahan din ng PACC ang mga pinuno at kawani ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Bureau of Customs (BoC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Transportation (DoTR).
Pagtalima sa direktiba ni PRRD na tabasin at sugpuin ang katiwalian at kabulukan sa gobyerno, kung kaya nagsasagawa ng pagsisiyasat at lifestyle checks ang PACC sa mga departamento at ahensiya upang matuklasan nila kung sinu-sino ang nagsiyaman, nagkaroon ng mga ari-arian, mga kotse, malalaking bahay nang sila’y maupo sa puwesto.
Maganda ang ginagawang ito ng PACC at ng Pangulo. Sana ay ipagpatuloy ang pagtugis at pag-uusig sa mga tiwali, bulok at gahamang mga pinuno ng bayan na puno ng pera ang mga bulsa at maraming deposito sa bangko habang ang mga ordinaryong mamamayan ay halos hindi makakain ng tatlong beses sa maghapon at natatrapik nang kung ilang oras sa lansangan sa pagpasok at pag-uwi sa trabaho, lalo na sa EDSA.
-Bert de Guzman