“NAGPADALA ng mensahe sa akin si Ambassador Zhao sa pamamagitan ng text. Sabi niya: ‘Paano kung isipin namin na ang inyong mga overseas workers ay nagiis-spy sa amin. Ano ang masasabi ninyo?” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Ang punto ni Zhao, aniya, ay hindi dapat isipin ng Pilipinas na ang mga Tsino sa mga gaming operations malapit sa kampo ng militar ay naniniktik. Nauna nang sinabi kasi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nakakabahala ang presensiya ng mga Chinese sa kanilang Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) na malapit sa mga kampo ng militar at pulis. Madali raw gamitin ang POGO sa mga trabahong pag-eespiya. Inirekomenda niya na dapat ilipat sa ibang lugar ang POGO na mamanmanan ng Department of Finance at Bureau of Immigration na ginagawa na ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
“Kabalintunaan,” sabi ni Secretary Lorenzana sa mensaheng ipinaabot ni Ambassador Zhao kay Panelo. “Iba ang Filipino workers sa China at mga China POGO workers na dumating sa Pilipinas bilang turista at kapag nakakuha ng tourist visa, magtatrabaho na sa POGO centers na ang operasyon ay pagsusugal na bawal sa China. Ang mga manggagawang Pilipino sa China ay tulad ng mga manggagawang Chinese sa Pilipinas na nagtatrabaho sa mga proyektong napagkasunduan ng dalawang bansa. Walang POGO centers sa China hindi gaya sa Pilipinas, na purong mga Tsino pa ang manggagawa at nasa tabi ng kampo ng militar. Ang mga Pilipino sa China ay nakakalat sa mga bahay at paaralan na malayo sa kampo ng militar, pero ang mga Tsino sa bansa ay nasa mga POGO centers na malapit sa military at naval bases.
Ang reaksiyon ni Ambassador Zhao sa pagkakabahala at pagtutol ni Sec. Lorenzana sa mga POGO centers ng China sa tabi ng mga kampo militar at pulis ay ipinaabot lang, ayon mismo kay Panelo. Totoo kaya ito? Ginagaya ni Panelo si Pangulong Duterte sa ginagawa nitong pananakot sa mga Pilipino na kapag iginiit niya ang arbitral ruling sa China ay gigyerahin nito ang Pilipinas. Kasi, parang sinabi na rin niya kay Lorenzana na manahimik na lang ito, dahil baka ganito rin tratuhin ng China ang mga Pilipino. Kaya, naitanong tuloy ni Sen. Ping Lacson kay Panelo: “Spokesman ka ba ng Pangulo, o tagapagtanggol at spokesman ng China?”
Sa nangyayari ngayon, mukhang hindi na kontrolado ng Pangulo ang gobyerno. Lahat ng kanyang mga opisyal na may kaugnayan sa mga napakahalagang isyu ay malaya nang kumikilos ayon sa kanilang kagustuhan. Malaya nang nag-iisyu ang PAGCOR ng mga permiso para makapag-operate ang mga Tsino sa bansa kahit saang lugar na hindi inaalam ang magiging epekto nito sa seguridad ng bansa. Malayang nag-iisyu ng permiso ang Bureau of Immigration at Department of Labor sa mga Tsino ng walang limitasyon. Bahala na ang ibang mga departamento ang magreklamo sa kanilang pagdagsa sa bansa na nakapipinsala sa kapakanan ng mga manggagawa at lipunang Pilipino. Basta may PERA, PERA at PERA.
-Ric Valmonte