DETERMINADONG maiwasan ang mapaminsalang tatlong buwan na pagkaantala sa pag-apruba ng Pambansang Budget ngayong taon, inanunsiyo ng House of Representatives Committee on Ways and Means na sisimulan na nito ang deliberasyon para sa budget ng susunod na taon ngayong Huwebes, Agosto 22.
Sa araw ring iyon, ang komite na pinamumunuan ni Rep. Isidro Ungab ng Davao City, ay magbubukas ng talakayan upang mabigyan ang bawat miyembro ng sapat na panahon upang maihayag ang anumang pangamba sa mga opisyal ng pamahalaan na bumuo ng mungkahing budget.
Sa Senado, siniguro ni Sen. Juan Edgardo Angara, pinuno ng Senate Committee on Finance, na mahigpit na makikipag-ugnayan ang mga senador sa Kamara upang masiguro na magawa ang makakaya upang maipasa ang budget sa reponsable at tamang paraan.
Dahil mangangailangan ang 2020 budget—P4.1 trilyon—ng mas malaking pondo kumpara noon nakaraang taon—maagang sinimulan ng Kamara na dinggin ang mga panukalang batas na magkakaloob ng dagdag na pondo sa pamahalaan. Ngayon pa lamang, naipasa na ng House Ways and Means Committee ang dalawang mahalagang batas sa buwis—isa na nagpapataas ng buwis sa produksiyon ng alak at isa na nagpapababa sa corporate income tax ngunit sumasapol sa mga insentibo sa buwis na ipinagkakaloob sa mga dayuhang kumpanya na nagtatayo sa Pilipinas.
Ang huling nabanggit ay ang Corporate Income Tax and Incentives Reform Act (CITIRA), na unang nakilala bilang TRAIN 2, para sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act 2, na kalaunan ay pinalitan ng pangalan at tinawag na TRABAHO, para sa Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities.
Bukod sa pagkalap ng pondong kailangan para sa tumaas na Pambansang Budget, pakay rin ng CITIRA na tanggalin ang ilang insentibo sa buwis na dating ibinibigay sa mga dayuhang kumpanya. Pinangangambahan ng Philippine Export Zone Authority (PEZA) na magdudulot ito ng pagdadalawang-isip sa mga dayuhang kumpanya na pumunta sa Pilipinas ngunit sa maagang pagsisimula ng deliberasyon sa Kamara dapat na mabigyan ng pagkakataon ang lahat upang maihayag ang kanilang saloobin tungkol dito.
May isa pang salik na dapat ikonsidera sa pagpapatibay ng panukalang batas, partikular sa mga kritikal na isyu tulad ng Pambansang Budget. Ito ang halalan sa Mayo, 2022, panahong tututukan ng mga pambansang lider ang lahat ng mahahalagang gampanin sa paghahalal ng susunod na pangulo ng bansa.
Ilang buwan bago ang halalan, lulubog ang mga pulitiko sa pulitikal na proseso sa iba’t ibang antas ng pakikilahok. Dahil dito, umaasa si Secretary of Finance Carlos Dominguez III na maisasapinal ng Kongreso ang lahat ng mga mahahalagang panukalang batas para sa ekonomiya, kabilang ang para sa Pambansang Budget, bago pa ito matabunan ng mga isyu sa halalan.
Magandang malaman na ngayon pa lamang ay inaaksiyunan na ng ating mga lider sa Kongreso ang National Budget Bill, lalo’t kailangan nating maiwasan ang tatlong-buwang pagkaantala na nangyari sa budget ng 2019, na nagdulot ng pagkatengga ng maraming proyekto at naka-apekto sa pagkamit natin ng target na Gross Domestic Product ngayong taon.