TALAGA bang kaibigan tayo ng China? Talaga bang friend ng ating Pangulo (Pres. Rodrigo Roa Duterte) si Chinese Pres. Xi Jinping? Hindi maiwasang itanong ito dahil sa mga ulat na patuloy sa paglalayag ang mga pandigmang barko (warships) ng dambuhala sa karagatan ng Pilipinas.
Ayon sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Department of National Defense (DND), ang ganitong incursion o pagpasok ng Chinese warships sa PH territorial waters nang walang koordinasyon sa DND at AFP, ay maliwanag na trespassing.
Kung paniniwalaan si Defense Sec. Delfin Lorenzana, para binubuska (taunting) raw ng China ang ‘Pinas sa pamamagitan ng pagdi-deploy ng kanilang warships sa karagatan ng bansa at pinapatay pa ang Automatic Identification Systems (AIS) upang hindi ma-detect ang kanilang paglalayag.
Ipinaalam na raw ito ni Lorenzana kay Chinese Ambassador Zhao Jinhua matapos ang mga naunang insidente noong Pebrero 2019 nang mapansin ng military na ang mga barko ay hindi naglalayag sa tinatawag na “innocent passage” sa Sibutu Strait, Tawi-Tawi.
Tumugon daw si Zhao na mali ang gayong paglalayag at paiimbestigahan ito. Gayunman, ang incursion o pagpasok sa karagatan ng Pinas ng Chinese warships ay naulit noong Hunyo at Agosto, 2019. Sabi nga ni Lorenzana kung ano ang pakay ng mga barko sa pagdaraan sa Sibutu Strait na lubhang napakalayo sa West Philippine Sea at South China Sea na kanilang inaangkin.
Si Lorenzana ay kasama sa delegasyon na pupunta sa China ni PRRD. Sana raw ay banggitin ito ng ating Pangulo kay Pres. Xi, ipaalam ang incursions ng Chinese warships sa mga karagatan ng ating bansa. Determinado naman ang ating Presidente na banggitin ang Arbitral Court decision na pabor sa atin.
Kung susuriing mabuti, ang kalagayan ng China at ng Pilipinas ay maihahambing sa magkapitbahay. Ang isa ay mayaman, malaki at malakas. Ang pangalawa ay mahirap, mahina, tahimik at ordinaryo lang. Ang mayaman at malakas na kapitbahay ay walang takot sa paglabas-masok sa bakuran ng mahinang kapitbahay.
Walang patumangga ang kapitbahay sa pamimitas ng mga bunga ng tanim na mahinang kapitbahay, sitaw, bataw, patani, kalabasa atbp. Hindi makakibo si mahirap na kapit-bahay dahil wala raw siyang kakayahan laban sa mayaman, malaki at malakas na kapitbahay. Ganito rin ang parang nangyayari ngayon sa WPS, nasisira ang coral reefs ng PH, inaani ang mga taklobo at malalaking isda sa karagatan, ngunit hindi makakibo ang PH dahil mahina raw ang AFP, PNP at Coast Guard.
Dahil hindi kumikibo ang mahirap at mahinang kapitbahay, akala ng iba pang mga kapitbahay na okey lang ang nangyayari sa dalawa. Marahil kung magrereklamo ito, malalaman ng mga kapitbahay at ng iba pa ang kawalang-hiyaan at pagsasamantala ng mayamang kapitbahay.
Sana naman ay magising ang mga lider ng ating bansa sapagkat ang pagsasawalang-kibo ay hindi makabubuti sa Pilipinas. Dapat ipaalam sa dambuhala na hindi natin gusto ang ginagawa nito, at dapat malaman ng buong mundo na dinadapurak nito ang mga karapatan at soberanya ng PH.
-Bert de Guzman