MAGLALAAN ang gobyerno ng P 1.5 bilyong programang pautang sa mga magsasakang apektado ng Rice Tariffication Law (RTL) dahil sa pagdagsa ng murang angkat na bigas sa bansa.
Isa sa mga napag-usapan sa forum tungkol sa hybrid rice nitong Biyernes, inihayag ni Agriculture Secretary William D. Dar na sa halip ng inisyal na conditional cash transfer para makatulong sa mga magsasaka ng palay, na gagastusan ng pamahalaan ng P6 bilyon upang mabigyan ng P5,000 ang nasa 1.1 milyong magsasaka ng palay, pinalitan ito ng Department of Agriculture (DA) ng isang one-time loan program.
Ayon kay Dar, sa ilalim ng programa, ang mga maaapektuhang magsasaka na nagsasaka ng 1 ektarya ng lupa at mas mababa pa ay maaaring makakuha ng P15,000 pautang sa pamamagitan ng Expanded Survival and Recovery Assistance Program for Rice Farmers (SURE Aid).
Sa ilalim ng SURE Aid, na magsisimula na sa Setyembre 1,2019, ang mga magsasaka ng palay na nagsasaka ng 1 ektrayang lupa pababa, ay maaaring kumuha ng one-time, zero-interest loan na nagkakahalaga ng P15,000 na maaaring mabayaran sa loob ng 8 taon.
Bibilhin din ng National Food Authority (NFA) ang mga aning palay ng mga magsasaka na kumuha ng pautang sa nasabing programa.
“This loan assistance is a manifestation of the strong desire of the government to help Filipino rice farmers,” pahayag ni Dar.
Naglalayon ang SURE Aid na makapagbigay ng loan assistance para sa agarang ayuda sa mga magsasaka ng palay na apektado ng paghina o pagkawala ng kanilang kita mula sa mga sakahan.
Pakay rin ng programa na makatulong sa mga magsasaka ng palay na maipanumbalik ang kapasidad na maipagpatuloy ang produksyon.
“We will continue to look at measures to improve the living conditions of our rural stakeholders. Rest assured that with RCEF, farmers will increase productivity and earn more,” ani Dar.
“At the end of the day, aangat lahat (everybody will prosper),” dagdag pa nito.
-PNA