HUMANAY sa opening day winners ang University of Santo Tomas Golden Tigresses matapos walisin ang Lyceum of the Philippines University Lady Pirates, 25-18, 25-13, 25-21, kahapon sa pagpapatuloy ng 2019 PVL Collegiate Conference sa FilOil Flying V Centre.
Ginamit lahat ni coach Kungfu Reyes ang kanyang players sa larong tumagal ng 73 minuto.
“Para sa mga bata talaga itong liga namin. Nandoon naman yung potensiyal pero talagang ide-develop pa namin through ganitong liga,” pahayag ni Reyes.
Nanguna sa balanseng opensa ng UST si Imee Hernandez na nagtala ng siyam na puntos.
“Mahaba-haba pa naman ang preparation. Halos lahat naman ng team puro bata pero yun nga good experience para sa kanila,” dagdag ni Reyes. “Hopefully, paangat ng paangat ang laro. Since first game okay naman ang laro kahit papaano.”
Namuno naman para sa Lyceum si Mary Joy Onofre na mayroon ding siyam a puntos.
Sa sumunod na laro, dinurog ng Arellano University Lady Chiefs ang Technological Institute of the Philippines Lady Engineers, 25-12, 25-7, 25-13.
Pinangunahan nina Regine Arocha at Nicole Ebuen ang nasabing panalo ng reigning NCAA champion sa itinala nilang tig-10 puntos.
-Marivic Awitan