“SA palagay ko hindi na ito inosente dahil paulit-ulit na itong nangyayari? Pwede namang silang magdaan pero bakit ayaw nila tayong sabihan? Ano ang mahirap sa ipabatid sa atin, Hoy daraan kami. Kasi, noong Miyerkules, namataan ng West Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines na may limang barkong panggiyera ang China na nagdaan ng walang pasabi sa Sibutu Passage sa Tawi-tawi, Mindanao mula noong buwan ng Hulyo.”
Ayon sa mga opisyal, hindi kaagad nakilala ang mga Chinese warships dahil nakapatay ang kanilang radyo at hindi sila nakikipagtalastasan sa Philippine Navy. Nakilala lang ang mga barkong pandigma na dumaan sa Sibutu Passage sa pamamagitan ng kanilang bow numbers 195,536 at 998. “Saan ba galing ang mga barkong ito at bakit sila nagdaaan sa Sibutu Passage gayong kung galing sila sa India o Indian Ocean, ang pinakamalapit na ruta pabalik sa China ay ang Malacca Strait patungong China Sea, hindi na kailangang magdaan pa sila sa ating karagatan,” sabi pa ni Lorenzana.
Problemang panlabas ng bansa ang isyung ito na dapat ang higit na nagsasalita ng pagkainis at pagtutol ay si Pangulong Duterte. Paghamon sa soberanya at territorial integrity ng bansa ang paulit-ulit na ginagawa ng China na paglayag sa karagatan nito. Hindi bale sana kung ang mga ito ay sibilyang barko, pero, panggiyera ang mga ito na siyang ikinaiinis ni Lorenzana. “Ang pagbabatid ng China sa Pilipinas sa ginagawa nito ay hindi lang naman may kaugnayan sa banta kundi paggalang na dapat ipakita para sa ating teritoryo bilang isang kaalyado,” wika naman ni Armed Forces Chief of Staff Lt. Gen. Benjamin Madrigal sa panayam sa kanya ng mga reporter sa Camp Aguinaldo nitong nakaraang Biyernes.
Ang problema, nawala sa eksena ang Pangulo. Isang linggo nang hindi siya nagpapakita at nagsasalita sa publiko. Ang nakikita ng taumbayan at nagsasalita hinggil sa mga isyu at suliranin ng bansa ay si Presidential Spokesperson Salvador Panelo. Totoo kaya ang kanyang sinasabi lalo na kung ipinakakahulugan niya na ito ay galing sa Pangulo? Sa nangyayari ngayon, para bang ang panahon ngayon ay tulad ng panahon nang si dating Pangulong Marcos ay hindi na makaganap ng kanyang tungkulin dahil sa kanyang mabigat na karamdaman. Hiwa-hiwalay na at walang koordinasyong gumalaw ang kanyang mga opisyal. Mistulang ganito na ang nagaganap sa ating bansa. Nagkakanya-kanya na ang mga opisyal ng gobyerno. Ang dapat na magsabi ng mga polisiya ng gobyerno ay ang Pangulo, pero mga kawani na ng kanyang Gabinete. Higit na mahalaga ngayon ang sundin ang iniaatas ng Saligang Batas na ihayag ang kalagayan ng kalusugan ng Pangulo, lalo na’t lumalaganap ang krimen at kaguluhan sa bansa.
-Ric Valmonte