SAPOL ang target na kasaysayan ni Lovely Mae Orbeta.
Sa edad na 14, nakumpleto ni Orbeta, tinaguriang “Poster Girl” ng Philippine Darts, ang ‘sweep’ sa Southeast Asia Tour nitong weekend sa Sabah, Malaysia.
Muling nadomina ng Grade 9 student ng Lakandula High School sa Gagalangin, Tondo, ang mga karibal, kabilang ang kababayan at beteranong si Angelyn Detablan sa All-Pinoy Finals, 2-0, para muling magreyna sa torneo.
Ito ang ikatlong dikit na kampeonato ni Orbeta matapos manalo sa Stage 1 sa Sepang, Malaysia nitong Abril at Stage 2 sa Kuala Lumpur, Malaysia sa nakalipas na buwan.
“Salamat po sa Diyos. Talagang ginawa ko ang lahat ng aking makakaya para manalo,” pahayag ni Orbeta, pambato ng Amber's Best Darts Team na pinangagasiwaan ni Frida Morelos.
“Masaya ako na makapag-uwi ng karangalan sa ating bansa, pati na sa aking eskwelahan (Lakandula), na talagang sumusuporta sa akin,” pahayag ni Orbeta, tanyag sa local at international Darts circuit bilang “Bebang”.
Magandang bawi ito para kay Orbeta, dati nang natalo kay Detablan sa kanilang unang sagupaan -- ang Erap Cup 2016 sa Philippine Columbian Association in Paco, Manila noong Hunyo 2016.
Para makausad sa championship round, kinailangan ni Orbeta na walisin sina Brenda Foo mg Singapore, 2-0, sa quarterfinal round at Ong Jhou Li ng Malaysia sa semis.
“Talaga namang pinaghandaan niya (Bebang) ‘yun laban. Bilib ako sa lakas ng loob ng batang ito. Malayo ang mararating niya,” sabi ni Jeffrey Roxas, nakatuklas kay Orbeta noong 10 taon lamang ito.