NAKATUON ang pansin ni Filipino Grandmaster Rogelio "Joey" Antonio Jr. sa World Stage FIDE tourney matapos magkampeon sa senior division ng IGB Dato’ Tan Chin Nam International Chess Open nitong Linggo sa Cititel Mid Valley sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ang 13-time Philippine Open champion ay namayani sa tie break sa kababayang si Grandmaster Jayson Gonzales. Sina Antonio at Gonzales ay kapwa nakapagtala ng tig-7 puntos sa siyam na laro.
Tumapos si International Master Tiro of Indonesia sa solo third na may 6.5 points na sinundan naman ng huge group 6.0 pointers na kinabibilangan nina Fide Master Maksum Firdaus ng Indonesia (4th), National Master Carlo Lorena ng Philippines (5th), Grandmaster Alexander Fominyh ng Russia (6th) at International Master Mikhail Vasilyev ng Ukraine (7th).
Bago ang Malaysia chess campaign, ang Calapan City, Oriental Mindoro native na si Antonio ay nagkampeon sa Open Kitchen rapid chess tournament na ginanap sa Open Kitchen food hall 34-36 P.Tuazon Bouelavard, Barangay Kaunlaran, Cubao, Quezon City nitong Agosto 5.
Ang Quezon City based Antonio, 57, ay nakatakdang katawanin ang Pilipinas sa FIDE (World Chess Federation) World Seniors Chess Championship na iinog sa Nobyembre 11 hanggang 24 na gaganapin sa Bucharest, Romania.