ANG mga ulat hinggil sa nakitang mga Chinese research ship sa Philippine Rise nitong nakaraang linggo ang naging dahilan ng panawagan sa gobyerno ng Pilipinas na ipagbawal ang pagpasok ng mga research ships. Sinabi ni Secretary of Foreign Affairs Teodoro Locsin Jr. nitong Lunes na una na niyang pinagbawalan ang mga marine survey ship ng France at Japan at ngayon ay “would universalize the ban” at kabilang na dito ang China.
Gayunman, nang sumunod na araw, Lunes, binawi ni Secretary Locsin ang kanyang direktiba sa research ships. Hindi maaaring ipagbawal ng bansa ang marine survey, sa ilalim ng United Nations Convention on the law of the Sea (UNCLOS), aniya. Natatamasa ng mga dayuhang manlalayag ang kalayaan sa paglalayag sa pamamagitan ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa. “We have been allowing foreign survey ships into our waters in the past,” komento ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Ang katotohanan, sa ilalim ng UNCLOS, ang katubigan sa loob ng 200-milyang EEZ ng baybaying bansa ay itinuturing na international waters. May “sovereign rights”ang bansa upang paunlarin at gamitin ang anumang yaman sa lupa sa ilalim ng dagat. Tanging sa ating teritoryal na katubigan—12 milya mula sa baybayin—maaari tayong magbawal ng mga dayuhang sasakyang pandagat.
Sa gitna ng mga ulat na naglilinaw sa mga ulat hinggil sa maritime research, nakipag-ugnayan ang University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea kay Secretary Locsin hinggil sa programa nitong marine survey sa Benham Rise at ang imbitasyon nito sa Chinese sa iba pang dayuhang eksperto na makilahok sa pananaliksik. Bilang tugon, sinabi ni Secretary Locsin na: “Philippine marine survey ship is a go. Invite foreigners, including Chinese. Knowledge has no enemy except ignorance…”
Ang pangambang inihayag ng ilang sektor hinggil sa mga nakitang Chinese research ship sa ating EEZ ay naglalarawan ng isang paranoia na tila nakaapekto na sa ilang sektor, kabilang ang Philippine officialdom. Taliwas sa mga pangambang ito, hindi maikukumpara ang ating ugnayan ngayon sa ating mga kalapit na bansa sa hilagangkanluran. Dumoble ang bilang ng mga turistang Chinese. Triple na ang iniluluwas nating produktong saging, na nagpapaangat sa pambansang ekonomiya at lumilikha ng maraming trabaho.
Naghahanda na si Pangulong Duterte sa kanyang pagbisita sa Beijing at pakikipagkita kay President Xi Jinping ngayong huling bahagi ng buwan. Nakatakda nilang lagdaan ang ilang kasunduan, kabilang ang eksplorasyon ng langis at pagpapaunlad na kasunduan na malaki ang maiiaambag sa pagpapalakas ng pagsulong ng ating ekonomiya.