SA pakiwari ko’y dumarami ang mga abusadong nabatos na pulis na nagpapatrulya sa kalsada, animo’y mga siga at hari sa lansangan, malayong-malayo kumpara sa mga nakagisnan kong pulis noong aking kabataan, na aming iniidolo at labis na iginagalang.
Kalimitang nakatitikim ng kayabangan at pagmamalabis ng mga abusadong nabatos na pulis na aking sinasabi ay ang mga pangkaraniwang mamamayan na laman ng ating mga kalye at bangketa, lalo na ang mga nagmamaneho ng sasakyan sa mga pangunahing kalsada saan mang panig ng kapuluan.
Kaya hindi ako nagtaka ng ang hinahangaan
kong dating opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na si Col. Ruben “Col Zacky” Zacarias – kilala na walang sinisino pagdating sa pag-iimbestiga at paglutas ng mga malalaking krimen – ay sobrang mapundi sa isang nabatos na pulis ng San Jose Del Monte City sa Bulacan, at pinasampahan niya ang pulis patola ng patung-patong na kasong kriminal at administratibo, na sigurado akong mahihirapan nitong lusutan.
Hindi naman si Col Zacky ang complainant sa mga kaso na isinampa sa Ombudsman nito lamang nakaraang Martes, laban kay Corporal Mario M. Sanggalang Jr., — kundi ang kanyang driver na si Ryan S. Sacatropes.
Sa palagay ko, dala ng sobrang galit ni Col Zacky sa aroganteng pulis ay siya mismo ang gumawa ng transmittal ng reklamo na inihain sa Ombudsman.
Hala ka Cpl. Sanggalang – at ‘yung mga kasama mong kumunsinti sa kapritso mo – knowing Col. Zacky, na bukod sa pagiging magaling na operatiba ay isang de kampanilyang abugado at dating prosecutor II ng DoJ, siguradong kahon kayo sa mga kasong ‘yan.
Batay sa salaysay ni driver Ryan, sinundo niya ang tatlong taong gulang na apo ni Col. Zacky mula sa isang “gift giving” program sa City Hall, sakay ng van, habang dahan-dahan na umaatras mula sa parking lot, ay sinita siya ng isang police woman na naka-uniporme na pasigaw na pinagsabihan siya na dahan-dahan sa pag-atras.
Malumanay naman ang sagot ni driver Ryan at nang sa pakiramdam niya ay dapat na siyang umandar dahil wala namang violation na sinasabi sa kanya ang police woman, ay lumarga na siya.
Tila mainit yata ang ulo ni manay police woman ng mga oras na ‘yun. ‘Di pa kasi nakalalayo ang van ay may humahabol na rito na isang pulis – si Cpl. Sanggalang na nanggagalaiti sa pagsigaw—at pilit na pinatatabi ang sasakyan.
Tumigil at nagtanong si driver Ryan kung bakit at ano ang violation niya, minura agad umano siya ng pulis at sinabihan ng: “Gago ka, ang dami mong alam, ang dami mong sinasabi.”
Nagulat at nagtaka si Ryan sa inasal ng pulis, kaya nangatwiran siya at nagtanong ng paulit-ulit kung ano ang violation niya. Matunog na mura lang ang sagot nito, sabay sabi ng: “Inaaresto kita ngayon. Tingnan natin kung anong magagawa mo ngayon. Marami ka pang tanong.”
Sa puntong ito tinawagan ni Ryan si Col. Zacky at ikinuwento ang nangyari. Malumanay ang instruction sa kanya ni Col. Zacky na sumama na lang siya sa presinto at pag-usapan na lang ang problemang pang-traffic na ‘yun.
Ang problema, pagdating sa presinto, wala man lang imbestigasyon ay “swak” agad sa kulungan si Ryan. Noon lang nalaman ni Ryan na nagsumbong pala ‘yung police woman sa “buddy-buddy” nitong si Cpl. Sanggalang – umano’y tinakasan niya habang sinisita siya at muntik pa niyang sagasaan.
Nang mag-follow-up sa presinto si Col. Zacky kung ano ang kalagayan ng kanyang apo at driver sa presinto – tila kinabahan ang mga pulis at imbestigador sa istasyon – pinangatawanan nila na may violation si Ryan at agad nila itong dinala sa “inquest fiscal” at sinampahan ng mga “imbento” na asunto.
Ang ganti ni Col Zacky – pitong criminal cases at tatlong administrative cases laban kay Cpl. Sanggalang, kay manay police woman, at iba pang kasamahan nito sa San Jose Del Monte Police Station.
Madalas nangyayari ang mga eksenang ganito sa mga pangunahing lansangan sa buong kapuluan. Walang kalaban-laban sa angas ng mga barumbado at abusadong pulis – na naglipana ngayon sa mga kalsada – ang ordinaryong mamamayan kapag napagtripan o napagbalingan ng init ng ulo ng mga pulis, dulot ng kanilang personal na problema sa pamilya o “LQ” sa kanilang mga “tsikaduday.”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.