IPATUTUPAD na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ikatlong batch ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced (TUPAD) program na magbibigay biyaya sa 25,000 na walang trabahong indibiduwal sa probinsya ng Antique.

Ayon kay DOLE Antique provincial director Melisa Navarra, nasa proseso na sila ng paghahanda para sa ikatlong implementasyon ng TUPAD sa probinsya.

“We already had the pre-implementation meeting with the mayors and the barangay captains last July 24,” pahayag ni Navarra.

Dagdag nito, sa Agosto 20-24, magkakaroon din ng oryentasyon para sa mga benepisyaryo para sa paghahanda ng pagsisimula ng kanilang 15-araw na trabaho sa Agosto 27.

“The TUPAD beneficiaries will carry out the cleanup activities in all the 590 barangays of all 18 municipalities in the province,” saad nito.

Inilahad pa ni Navarra na ang gagawing cleanup ay maglalayong tanggalin ang mga nakaimbak na tubig at hanapin at sirain ang pamugaran ng mga lamok para mabawasan ang lumulobong kaso ng dengue.

“The barangay captains had been asked to list down a minimum of 25 beneficiaries on their barangays,” lahad pa ni Navarra.

Ang mga alkalde ay maaari ring magsumite ng mga pangalan ng kanilang mga benepisyaryo ngunit ay dapat lagpas na sila ng isang taon mula ng huling sumali sa TUPAD program at isang miyembro lang kada pamilya ang pwede maging benepisyaryo.

Makatatanggap naman ang mga benepisyaryo ng TUPAD ng P365 kada araw bilang honorarium.

Ang unang batch ng TUPAD ay nagsimula noong Marso 25 hanggang sa katapusan ng Abril at hindi kasama ang Mahal na Araw at Linggo ng Pagkabuhay na nagbigay benepisyo sa 16,000 na indibiduwal.

Ang mga manggagawa, na kinilala ng mga local government units, ay nagsagawa ng paglilinis ng baybayin at mga kanal.

Ang ikalawang batch ng nabenepisyuhan ng TUPAD ay kinabilangan ng nasa 1,900 na out-of-school-youth (OSY) at mga magulang ng mga mahihirap na mag-aaral, ay nagsimula noong Hulyo 22 hanggang Agosto 7.

Tumulong sila sa Department of Education (DepEd) Division of Antique sa paglilinis at pagsasaayos sa loob ng mga paaralan bilang suporta sa Brigada Eskwela Plus Program.

PNA