TATLONG taon na ang nakararaan, sa pagsisimula ng administrasyong Duterte, pinangunahan ni Sen. Grace Poe ang pagdinig ng Senado sa problema ng trapik sa Metro Manila, partikular sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Ave. (EDSA), na nakatuon sa mungkahi ng emergency power upang masolusyunan ng Department of Transportation ang problema.
Nitong nakaraang Martes, muling pinangungunahan ni Senadora Poe ang Senate Committee on Public Services sa isang pagdinig, sa pagkakataong ito, hinggil sa plano ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na ipagbawal ang mga bus mula probinsiya na pumasok ng EDSA. Sa nakalipas na taon, tila lumalabas, na ang kaparehong problema sa EDSA ay hindi pa rin nasosolusyunan. Sa katunayan, sa pagkaragdag ng daang libong bagong mga sasakyan, higit pang lumala ang trapik na nararanasan sa EDSA.
Pinangungunahan ng MMDA sa mga nakalipas na panahon ang hakbang upang masolusyunan ang problema sa EDSA. Una na itong nanawagan para sa pagtatayo ng mga terminal sa Valenzuela, Bulacan, at Sta. Rosa, Laguna, kung saan ibababa ng mga bus galing probinsiya ang kanilang mga pasahero na tatanggapin naman ng mga city bus upang dalhin sila sa kanilang mga destinasyon sa Metro Manila. Nagsagawa na ang MMDA ng dry run para sa plano nitong unang linggo ng Agosto, ngunit lumabas na walang city bus ang magdadala ng mga pasahero sa Metro Manila.
Sa pagdinig ng Senado, kinuwestiyon ang awtoridad ng MMDA na magpatupad ng mga nabanggit na proyekto. Taong 2000 pa lamang, idineklara ng Korte Suprema na ang MMDA, na hindi isang lokal na pamahalaan o pampublikong korporasyon na pinagkalooban ng lehislatibong kapangyarihan, ay hindi maaaring magpatupad ng planong pantrapiko. Ang LGU ang may karapatan dito.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Undersecretary Mark de Leon ng Department of Transportation, na may plano ang ahensiya para sa pagpapatayo ng mga nakataas na “greenways” sa buong Metro Manila upang mahikayat ang publiko sa paglalakad sa halip na pagsakay.
Kalaunan sa isang pulong-balitaan, hinikayat ni presidential spokesman Salvador Panelo ang publiko na magsumite ng kanilang anumang suhestiyon na maaaring makatulong sa paglutas ng problema sa trapik. Mayroon nang mga mungkahi na ilipat ang maraming ahensiya ng pamahalaan sa labas ng Metro Manila, aniya. Ang Department of Transportation ay lumipat na sa Clark, Pampanga.
Iminungkahi naman mismo ni Panelo ang pagkakaroon ng panggabing trabaho o nightshifts sa ilan mga empleyado na maaaring magtrabaho sa nasabing oras, na labas na nakasanayang 9 ng umaga hanggang 5 ng hapon na schedule. Makatutulong umano ito upang mapahupa ang mabigat ng daloy ng trapiko sa umaga kapag kailangan pumasok ng mga empleyado at sa hapon kapag kailangan na nilang umuwi.
Maraming mungkahi ang inilalatag upang masolusyunan ang nagpapatuloy na problema sa trapik ng EDSA. Maging si Pangulong Duterte ay nagmungkahi sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo 21 na: Linisin ang lahat ng mga lansangan/ kalsada sa mga lungsod mula sa mga ilegal na nakaparadang mga sasakyan upang magamit ang mga daang ito bilang alternatibong ruta ng mga sasakyan na napipilitan ngayon na dumaan sa EDSA.
Nagpapatuloy ang paghahanap ng solusyon sa problema. Malinaw, na hindi ito kayang gawin mag-isa ng MMDA lalo’t wala naman itong tamang awtoridad. Maaaring makalikom ang pagdinig sa Senado ng iba’t ibang mungkahi na mabibigyan ng tamang awtoridad ng Kongreso kung alinmang ahensiya ang mamamahala sa problema.