NITONG nakaraang linggo, nagsagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senador Ronald dela Rosa, kung saan humingi ng tulong sa Senado ang mga magulang ng apat na college student para hanapin ang kanilang mga anak.
Ayon sa kanila, nawala ang mga ito pagkatapos silang sumapi sa Anakbayan at party list group na Kabataan. Ang hinala ng Senador ay narecruit sila na maging “regular fighters” ng New People’s Army (NPA). Hinikayat niya ang mga opisyal ng mga unibersidad na i-monitor ang mga militanteng grupo na nagangalap ng kanilang miyembro sa mga mag-aaral. Nakaaalarma na ito, aniya. Base sa rekord ng militar, 513 na mga estudyante na ang napatay, naaresto o sumuko bilang NPA combatants sa loob ng nakalipas na 20 taon. “Naway mamulat tayong lahat. Pagkatapos ng pagdinig na ito, natitiyak kong may mga magulang pang lalabas at ibabahagi ang parehong suliraning naranasan nila,” dagdag pa ng Senador.
Ang problema, nito lang Martes, humarap sa mga mamamahayag si Lorevie Galaman upang pabulaanan ang sinabi ng kanyang ina sa Senate hearing na siya ay kinidnap, ni-recruit at pinatigil mag-aral ng mga komunistang rebelde. “Sumapi ako sa Kabataan party-list noong 2018 at alam ito ng aking ina na wala namang pagtutol. Kaya, naniniwala ako na naimpluwensiyahan siya ng militar, wika ni Lorevie na 19 na taong gulang at senior high graduate ng Polytechnic University of the Philippines.
Ang isa pang estudyante na idineklara ng kanyang ina sa Senate hearing na nawawala ay humarap sa press conference sa House of Representatives. Inihayag ni Alicia Lucena, 18 taong gulang, high school student ng Far Eastern University na hindi siya kinidnap ng Anakbayan at lumayas lang siya sa kanilang tahanan dahil sa hindi magandang pagtrato sa kanya ng kanyang mga magulang sanhi sa pagsapi niya sa samahan. Ayon sa kanya, nagpasiya siyang maging aktibista dahil nais niyang mag-ambag ng anumang kanyang makakaya para labanan ang mga problema gaya ng pagtaas ng tuition fee at pagbuhay sa ROTC. “Mukhang hindi niya alam ang kahihinatnan ng paghingi niya ng tulong sa pulis at militar. Lagi kong sinasabi sa kanila na ang ginagawa ko bilang aktibista ay para sa ikabubuti ng lahat,” sabi ni Alicia sa ginawa ng kanyang ina. Kasi, kaya raw siya naglayas ay dahil kapag siya ay nasa bahay, dinadala siya ng kanyang mga magulang sa Camp Aguinaldo at Camp Crame.
Dapat matauhan sina Sen. Dela Rosa at mga kagaya niya, na ang kanilang tingin sa grabeng problema ng bansa ay kagagawan ng komunista. Mga bata na at babae pa ang nagpapamukha sa kanila ng dahilang ng kanilang pagiging aktibista. Mga estudyante ito na maalam ng tunay na sitwasyon ng lipunan at aktibong kumikilos sa hangarin nilang makatulong sa paglunas sa mga suliranin ng bayan dahil sila ang higit na nakararanas ng kahirapan.
-Ric Valmonte