LITERAL na dinurog ng reigning titlist San Beda University ang nakatunggaling University of Perpetual Help, 102-56, kahapon para manatiling walang dungis sa NCAA Season 95 Men’s Basketball Tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Simula pa lamang ay dominado at kontrolado na ng Red Lions ang laro matapos iposte ang 13 puntos na bentahe sa pagtatapos ng first canto, 30-17.
Tuluyan nilang nilayuan ang Altas sa second half matapos magsalansan ng 31 puntos sa third period kumpara sa 12 lamang ng Altas upang maiposte ang 78- 39 na kalamangan mula sa 47-27 na bentahe nila nung halftime.
Hindi na nakaporma pa ang Perpetual mula doon hanggang sa selyuhan ng Red Lions ang panalo na nagluklok sa kanila sa solong pamumuno sa barahang 6-0 karta.
“It’s all my boys, they really prepared well for this game. We wanted to really get this win, and AC made most of his threes in the third and the fourth sana tuloy tuloy na ‘yon,” pahayag ni San Beda head coach Boyet Fernandez.
Ipinamalas ng San Beda ang kanilang natatanging depensa sa kabuuan ng laro matapos magposte ng 46 rebounds at limitahan ang Altas sa 10 at 12 puntos sa second at third quarters ayon sa pagkakasunod.
“We will win ball games because of our defense, not our offense. Our offense will just come in once we make stops in defense,” dagdag ni Fernandez.
-Marivic Awitan