TATANGKAIN ng Motolite at Air Force na akabawi mula sa masaklap na kabiguan, habang makabalik sa winning track ang hangad ng Banko Perlas sa pagsalang nila ngayong hapon sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League Season 3 Open Conference sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Mauuna rito, tatlong laro naman ang nakatakda sa pagbubukas ng PVL Collegiate Conference na magsisimula ngayong umaga.

Makakasagupa ng Motolite ang bagong koponang Chef’s Classic sa unang laro sa hapon ganap na 4:00 habang magtatapat naman sa huling laro ang Lady Jet Spikers at Perlas Spikers ganap na 6:00 ng gabi.

Magtutuos naman sa unang laban sa opener ng Collegiate Conference ang College of St.Benilde at Far Eastern University ganap na 8:00 ng umaga na susundan ng salpukan ng reigning UAAP champion Ateneo de Manila at ng Letran ganap na 10:00 ng umaga.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakatakda namang magtapat sa huling laban ang San Beda University at Adamson ganap na 12:00 ng tanghali.

Kapwa natalo sa kamay ng defending champion Creamline ang Motolite at ang Air Force sa kani-kanilang unang laro, ang una noong nakaraang Miyerkules sa iskor na 25-14, 25-15, 25-14 at ang huli noong opening day sa iskor na 25-23, 25- 20, 25-15.

Makaraan namang pataubin ang Reinforced champion PetroGazz sa opening, nabigo naman ang Banko Perlas sa ikalawang laro nitong Miyerkules sa kamay ng Pacific Town Army sa loob ng apat na sets, 23-25, 23-25, 25-17, 20-25.

Ngayon pa lamang sasalang Chefs Classic na pamumunuan ng kambal na sina Nieza at Ella Viray ng San Beda at gagabayan din ni Lady Red Spikers coach Nemesio Gavino.

-Marivic Awitan