ANG Philippine National Police (PNP) ay may tungkulin na maglingkod at mangalaga sa mga mamamayan. Sa English nga, ang kanilang dictum ay “To serve and protect.” Dahil dito, marami ang hindi makapaniwala sa pahayag ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na okay lang na tumanggap ng regalo o bigay ang mga pulis bilang pasasalamat sa sino man.
Noon nga, sa mga paliparan ay ipinagbabawal ang pagbati ng “Merry Christmas” sa dumarating na mga balikbayan o dayuhan man sapagkat ang gayong pagbati (greetings) ay may pahiwatig ng panghihingi.
Maging si Civil Service Commissioner Aileen Lisada ay hindi kumporme na puwedeng tumanggap ng regalo ang mga pulis na ibinigay “out of generosity or gratitude.” Nang tumanggap ng katakut-takot (hindi sandamakmak) na negatibong reaksiyon ang pahayag ng ating Pangulo, nilinaw ng Malacañang (as usual) na ang dapat lang tanggapin ay hindi “expensive gifts” o mamahaling regalo.
Presidential spokesman Salvador Panelo, gaano ba kamahal ang expensive gifts na hindi dapat tanggapin ng PNP o gaano kamura ang ubrang tanggapin? Tanong ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Mga pulis lang ba ang dapat tumanggap ng regalo bilang pasasalamat ng generous at grateful na indibiduwal. E, paano ang mga sundalo at ibang government employees na nakapagsilbi ng kanais-nais, puwede rin ba silang tumanggap”?
Sa sistemang ito, baka mauso ngayon ang regaluhan at bigayan. Baka hindi tumupad sa tungkulin ang mga pulis at iba pang kawani ng gobyerno kapag sa palagay nila ay hindi magbibigay ang tinulungan. Dahil dito, magiging inutil ang bantang “just a whiff of corruption” dahil baka pagsimulan ito ng kurapsiyon.
Para sa mga kritiko, maliwanag na ipinagbabawal ng batas ang pagtanggap ng regalo o ano mang bagay na may monetary value kaugnay ng pagtupad sa tungkulin, halimbawa ng pulis, sundalo at iba pang kawani ng pamahalaan. Sa pagtatanggol ni Panelo sa Presidente, sinabi niya na ang “unsolicited gifts or presents of small or insignificant value offered or given as an ordinary token of gratitude or friendship according to local customs or usage are exempted from anti-graft provisions.”
Itinatakda ng Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Empoyees), ayon kay Spox Panelo, na exempted o puwede ang hindi hinihinging regalo na maliit ang halaga na hindi naman inaasahan bilang kapalit ng pabor mula sa napagsilbihan.
Ang iba pang mga batas na nagbabawal sa pagtanggap ng regalo ng mga pulis at public officials ay ang Presidential Decree 46 sa anumang okasyon, kabilang ang Christmas; RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act); at Sections 210,2011 at 2012 ng Revised Penal Code tungkol sa ‘di-tuwiran at tuwirang panunuhol. Sabi ni Panelo: “Dapat hindi nila tanggapin kung masyado namang malaki.” Mr. Panelo, gaano ba kamahal at kalaki ang regalo na hindi dapat tanggapin?
oOo
Dahil sa mga ulat na presensiya ng Chinese survey ships sa karagatan ng PH na ikinabahala ng militar at ng publiko ang seguridad natin, ipinagbawal ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin ang paglalayag ng mga dayuhang barko.
Saad ni Locsin: “Ipinagbabawal ko ang marine survey ships, susog sa pagbabawal sa France at Japan, at ngayon ay kasama na ang China.” Kung gayon pala, bawal ang survey ships ng France at Japan. Mabuti ang pagbabawal ni Locsin sa survey ships, sapagkat kung papayagan niya ang Chinese survey ships at pagbabawalan ang survey ships ng ibang mga bansa, aba naman Mr. Locsin, paboritismo ito at hindi katanggap-tanggap.
-Bert de Guzman