SINUBAYBAYAN nyo ba ang pagdinig sa Senado hinggil sa nakaambang provincial bus ban?
Naubos ba ang butong-pakwan ninyo habang inaantabayanan ang magiging hakbang ng mga magigiting na opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa lumalalang trapik? O nakatulog kayo dahil sa paikot-ikot na talakayan na wala na namang napuntahan kundi ang pagiging epal ng mga senador na dumalo sa pagdinig?
Sayang ang oras hindi lamang ng mga mamamayan ngunit maging ang mga mamamahayag na tumutok sa isyu.
Sa pagdinig na halos tumagal ng mahigit sa limang oras, inulit lamang ang mga numero ng bilang ng mga dumaraan sa EDSA. May katumbas pang video presentation, ilang ulit na nating napanood ito.
Inulit din ang presentasyon ng mga proyekto sa imprastraktura na ayon sa iba’t ibang sangay ng gobyerno ay malaki ang maitutulong sa pagresolba sa trapik kapag nakumpuni na ang mga ito.
Ang haba ng listahan na karamihan ay nabasa na natin sa social media nitong mga nakaraang araw.
Inilatag din muli ang mga problema na kinahaharap ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa isyu ng right of way kaya umano naaantala ang ilang infrastructure projects.
Wala na bang bago kayong maipiprisinta upang maliwanagan ang mga taga-Metro Manila kung bakit lalong lumalala ang trapik?
Kulang na lang ay magbigay ng weather update ang MMDA at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang maubos lamang ang oras at hindi sila masabon ng matindi ng mga senador.
Nakalulungkot din at hindi dumalo si MMDA Chairman Danilo Lim sa pagdinig.
Sinusuportahan natin ang opinyon ni Senator Grace Poe na kailangang marinig ng taumbayan ang boses ni General Lim upang mabatid kung ano talaga ang direksiyon ng kanilang ahensiya.
Oo nga’t ang isyu sa provincial bus ay tinututukan ng lahat dahil libu-libong biyahero ang apektado sa isyung ito.
Kasalukuyang nakabitin ang provincial bus ban dahil sa inilabas na temporary restraining order ng korte laban dito.
Sari-saring suhestiyon ang ating narinig. Subalit ang tanong: Ano nga ba ang solusyon ng gobyerno sa lumalalang trapik?
Natapos ang pagdinig na wala tayong narinig na konkretong hakbang upang maisaayos ang trapik.
Kanya-kanyang paliwanag ang mga kinatawan ng mga ahensiya subalit sa pagtatapos ng pagdinig, wala pa ring solusyon.
Mayroon ding mga senador na tila hindi gumagawa ng kanilang ‘homework” sa pagbitaw ng mga katanungan na tila ilang araw na ring namamayagpag sa social media.
Hanggang kalian pa tayo magtitiis?
-Aris Ilagan