ANG 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang nagtatag ng konsepto ng Exclusive Economic Zone (EEZ), isang bahagi ng dagat na sumusukat ng 200 milya (370 kilometro) mula sa baybayin ng bansa. Nagtatakda ito ng espesyal na karapatan para sa eksplorasyon at paggamit ng yamang-dagat, tulad ng enerhiya mula sa anumang deposito ng petrolyo sa lupa sa ilalim ng dagat. Ngunit ang katubigan ng EEZ ay bahagi rin ng international waters.
Katangi-tangi sa EEZ ang konsepto ng territorial waters. Noong unang panahon, ang teritoryal na katubigan ay sumasakop ng tatlong milya mula sa baybayin, ngunit sa modernong panahon, umaabot ito ng 12 milya (22 kilometro) mula sa baybayin. Natatamasa ng mga bansa ang soberanya sa kanilang teritoryal na katubigan, ngunit hindi sa kanilang EEZ. Mayroon silang “sovereign rights”upang mapaunlad ang mga yaman sa lupa sa ilalim ng dagat na sakop ng EEZ.
Ang dalawang konseptong ito—territorial waters at EEZ—ang laman ng mga balita sa kasalukuyan. Nitong nakaraang linggo, nagpahayag si presidential spokesman Salvador Panelo na walang masama sa mungkahi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na humingi ng tulong sa Amerika sa pagbabantay ng EEZ ng Pilipinas, matapos ang mga ulat hinggil sa paglalayag ng mga barko ng China sa bansa nang hindi nagpapaalam sa Maynila.
Kung simpleng pagtawid lamang ang kanilang ginawa sa ating EEZ, hindi naman kailangan pang magpaalam ng dayuhang sasakyang-pandagat sa bansa, dahil ang EEZ ay international waters. Sinabi ni Panelo na dapat na humingi ang China ng permiso, o ipaalam man lamang sa Pilipinas na dadaan ang survey ship nito sa ating EEZ. Walang itinatakdang permiso sa ilalim ng UNCLOS, ngunit ang pagpapaalam sa atin ay isang tanda ng pagkilala, na angkop at katanggap-tanggap.
Sa usapin naman ng ating karapatan upang paunlarin ang mga yaman na sakop ng ating EEZ, malapit na natin itong ipatupad sa paggalugad natin para sa posibilidad ng langis sa Reed bank na sakop ng ating EEZ malapit sa Palawan, sa pamamagitan ng isang magkatuwang na proyekto kasama ang isang kumpanya ng langis mula China. Katulad ito ng ating natural gas project sa Malampaya, nasa loob din ng ating EEZ, kasama ang isang kumpanya ng Dutch Shell. Sa dalawang proyekto, 60 porsiyento ang makukuha ng Pilipinas.
Maraming hindi pagkakaunawaan ngayon sa South China Sea dulot ng mga nagkakatalong pag-aangkin ng iba’t ibang mga bansa. Ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia at Brunei ay may ipinaglalabang ilang isla na nasa loob ng kanilang EEZ, gayundin ang kumpol ng mga maliliit na isla sa Paracel at Spratlys sa gitna ng South China Sea. Ngunit inaangkin ng China ang kabuuan ng South China Sea base sa mapa na inilabas nito noong 1947 na nagpapakita ng sinasabi nitong teritoryo kasama ng nine-dash line.
Naninindigan ang Amerika na bahagi ang South China Sea ng international waters at ipinatutupad dito ang kalayaan sa paglalayag; binalewala ng barkong pandigma nito ang iginigiit ng China nang dumaan ito sa dagat. Kinailangang harapin ng maliliit na bansa sa Southeast Asia ang sitwasyon sa paraang pinakamainam at nakipagkasundo sa China sa pagbuo ng isang Code of Conduct upang masiguro ang mapayapang negosasyon sa anumang sigalot sa dagat.
Ito ang kasalukuyang sitwasyon sa South China Sea. Dapat nating igiit ang ating karapatan sa ating 12-milyang teritoryal na dagat ngunit dapat din tayong maging maingat laban sa paggigiit ng ating karapatan sa ating 200-milyang EEZ na hindi nakabatay sa UN Convention on the Law of the Sea.