MARUBDOB ang paniniwala ko na kapag pinabayaang nakasawsaw ang kamay ni Charlie “Atong” Ang sa operasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay matutulad ito sa naging kapalaran ng larong Jai Alai, na naging baluwarte ng piling sindikato ng mga gambling lord, matapos niya itong hawakan at patakbuhin ng ilang taon.
Nawala ang operasyon ng Jai Alai, halos kasabay nang pagkakatanggal kay Joseph “Erap” Estrada bilang pangulo, at pangingibang bansa ni Atong upang takasan ang kasong plunder na isinampa ng pamahalaan laban sa grupo nila na nagtampisaw sa bilyones na perang katas ng “illegal gambling”.
Matagal na nawala sa sirkulasyon ang larong Jai Alai. Subalit nang makabalik na sa bansa si Atong, hindi na ako nagtaka nang mabuhay muli ang Jai Alai, bilang isang “sports” at nagkaroon ng sariling fronton sa Fort Irene sa Cagayan province. Gaya ng operasyon noon sa fronton sa Maynila at Cebu City, bumalik ang sigla nito at naging basehan ulit ng mas malawak na operasyon ng ilegal na masiao, ang mga panggabing resulta ng Special Llave nito.
Sa pamamagitan ng satellite dish– napapanood ang live broadcast ng Jai Alai games kahit saang maliit na isla sa buong bansa – at ilang piling tabloid, ay mas lumawak at lumakas ang kubransa at tayaan sa masiao.
Hanggang ngayon ay tuloy ang ligaya ng mga masiao operator -- ngunit may naririnig ba kayong alingasngas hinggil sa ilegal na sugal na ito? Talagang wala – malamang kasi maraming namamantikaan sa ilegal na pasugal na ito kaya tahimik ang tabakuhan.
Noong administrasyon ni Erap, ginamit ni Atong ang “Oplan Panabla” upang muling palakasin ang kubransa sa mga legal fronton na pinabagsak ng operasyon ng ilegal na masiao.
Malakas kasi ang hatak ng masiao sa mga mananaya na barya lamang ang pera sa bulsa, dahil kahit 25 sentimos lang ay pwedeng itaya at maaaring manalo ng halagang 500 piso. Kaya sa halip na sa mga legal fronton tumaya, ay sa masiao na lamang lumalaro ang mga mananaya – resulta, bumaba ang kita ng legal na Jai Alai at ito ang problema na hinarap noon ng pamunuan ni Atong.
Tinawag itong “panabla” sa special investigation report na ginawa ng isang grupo ng mga intel-operative ng PNP–IG na nag-infiltrate sa sindikato ng masiao. Ang kubransa noon ng masiao sa Visayas at Mindanao ay halos kasing laki na rin ng jueteng sa Luzon.
Ayon sa report, ilang linggo pa lamang nakaupo si Atong bilang bossing ng Jai Alai Fronton sa Malate ay nagulantang ang mga operator ng masiao sa Visayas at Mindanao nang magkakasunod silang tamaan ng mga dehadong numero na may malaking premyo.
Halos masaid ang puhunan ng mga masiao operator – at ang hinala nila, “fixed” ang mga laro sa Special Llave at sa mga masiao nila itinataya ng todo ang siguradong lalabas na kumbinasyon! Maraming pelotari ang nagpagamit sa operasyong ito dahil kasama sila sa mga mananayang tumatama ng daang libo gabi-gabi.
Nang maramdaman ng mga masiao operator na ikababagsak ito ng operasyon nila, nakipagkasundo sila sa grupo ni Atong – ang mga kumbinasyon na lalabas na maraming taya sa masiao, ay tatayaan naman nila ng katumbas na halaga sa mga legal na off fronton sa kanilang lugar, para maging panabla sakali man na tamaan sila ng malaki.
Resulta, tumaas ang kita ng mga legal na off fronton dahil sa mga itinatayang panabla ng mga masiao operator. Ika nga, sa ending ng mga fairy tales: “And they lived happily ever after,”– hanggang sa matanggal si Erap sa Palasyo ng Malacañang.
Bago ko makalimutan, gumawa nga pala ako noon ng three-part series hinggil sa dokumentong ito para sa pahayagang Inquirer na pinagsusulatan ko noon bilang defense reporter. Makaraan ang halos isang buwan na paghihintay, nagtanong ako sa aking editor kung bakit ‘di pa ginagamit ang special report – Sagot niya: “Hindi balance, walang side ni Atong, kunin mo muna.”
Nang bigla akong pumunta sa opisina ni Atong para sa interview, nadatnan kong hindi naka-lock ang pinto. Itinulak ko at nang mabuksan, nagulat ako sa bumulaga sa akin na mga bisita ni Atong – tatlong editor ng broadsheet at isang publisher ng tabloid ang masayang kakuwentuhan niya.
Hindi nagamit ang aking story – ‘di nagtagal ay nag-resign ako sa Inquirer at naging senior news editor ng GMA7. Ang manuscript ng isunulat kong series ay ibinigay ko kay Glenda Gloria na managing editor noon ng NEWSBREAK Magazine at agad na lumabas ang artikulo!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.