DAHIL sa pananalasa ng dengue sa maraming parte ng bansa, ipinahiwatig ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na bukas siya sa muling paggamit ng kontrobersiyal na dengvaxia vaccine para makatulong sa epidemya ng dengue. May 146,000 na ang biktima at may 622 ang napaulat na namatay.
Bilang isang abugado, sinabi ni PRRD na okay lang siyang magkamali sa panig ng siyensiya tungkol sa resumption ng dengvaxia vaccine program ng gobyerno para mapigilan ang pambansang epidemya na hanggang ngayon ay walang gamot o bakuna.
Badya ng Pangulo: “Oo, bukas ako sa pagpapagamit uli ng dengvaxia. Maraming patay ‘yun. Isa na itong epidemya.” Ginawa ni Mano Digong ang pahayag sa panunumpa ng bagong promoted Generals sa Malacañang noong Huwebes.
Sinabi ni PDu30 na kung walang maniniwala sa kanya, kung may gamot o lunas mula sa Western medicine o kaya’y maging herbal ng Oriental medicine, kung makapagliligtas ng buhay ng mga tao, ayos lang sa kanya ang dengvaxia.
Mahal na Pangulo, papaano si PAO chief Persida Acosta na kontrang-kontra rito, baka siya magtitili? Papaano si Kabayan na inaraw-araw noon ang pagbo-broadcast sa panganib at kamandag ng dengvaxia na gawa ng Sanofi Pasteur?
oOo
Sa pagkamatay ng maraming pasahero sa banggaan at paglubog ng mga bangka sa Iloilo-Guimaras Strait noong nakaraang linggo, sinuspinde ni Transportation Sec. Arthur Tugade ang mga opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (Marina).
Batay sa report noong Biyernes sa mga pahayagan, ang mga sinuspinde ay sina Cmdr. Perlita Cinco, PCG Commander sa Iloilo at Cmdr. Jolouvis Mercurio ng Guimaras. Sinuspinde rin sina Chief Petty Officer Felixberto Salibio Jr. at Seaman First Class Ricky John Eric Mijares. Iniutos ni Tugade ang paglilipat kay Western Visayas director Rizal Victoria sa Office of the Deputy Administrator for Operations sa Marina Central Office.
Isa pang tauhan ng PCG, si Juliet Nacion, section head ng Marina franchising section, ay inilipat sa Office of the Regional Director sa Iloilo. Suspendido sina Maritime Safety Director Jose Venancio Vero Jr., at Maritime Safety Service Division chief Bernardo Pollo. Ang direktiba ay inisyu ni Tugade kina PCG Adm. Elson Hermogeno at Marina acting administrator Narciso Vingson nang bumisita siya sa Guimaras noong Miyerkules.
Sinisi ng mga survivor ang PCG dahil umano sa pagpayag na magbiyahe ang mga bangka kahit daw masama na ang panahon. Karamihan sa mga namatay ay walang suot na life jacket na sana’y nakatulong sa kanila upang hindi malunod kung nagsuot lang sila ng mga ito.
oOo
Mula pa noong 2014, wala pang plaka ang luma kong sasakyan kahit nagbabayad ako taun-taon sa rehistro. Ano ba Land Transportation Office (LTO) kumilos naman kayo. Anyway, sinabi ni LTO chief Edgar Galvante na may plano silang mag-release ng license plates mula 2014 hanggang 2016 sa kalagitnaan ng 2020.
Tinatayang may 5.8 milyon ang backlog sa license plates ng mga sasakyan mula Pebrero 2014 hanggang Hunyo 2016 samantalang 2.5 milyon naman ang backlog sa mga motorsiklo. Ayon kay Galvante, ang dahilan daw ng pagkabalam ay kawalan ng supply materials.
Nagtatanong lang: “Ano ba ang pumasok sa kokote ng mga opisyal noon ni ex-Pres. Noynoy Aquino kung bakit binago pa ang umiiral na berde (green) na plaka at ginawang puti at itim (black and white) gayong hindi naman pala kayang magsuplay ng gayong mga plaka? Ang mga berdeng plaka ay matibay naman.
-Bert de Guzman