NAGKAISA sina Finance Secretary Carlos Dominguez III at Agriculture Secretary William Dar kamakailan, sa pagpapatupad ng isang assistance program na tutulong sa mga magsasaka na makiakma sa mababang presyo ng palay kasunod ng pagsasabatas ng Republic Act (RA) No. 11203 o ang Rice Tariffication Law.
Sa ilalim ng programa, maglalaan at mamamahagi ng cash assistance sa mga apektadong magsasaka sa pamamagitan ng pagpapalawak ng nagpapatuloy na Survival and Recovery (SURE) program ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC), isang kakabit na ahensya ng DA.
Ang pagpapalawak ng SURE para matulungan ang mga magsasaka ay nabuo rin dahil sa magandang karanasan sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang pinalawak na SURE program ay karagdagan sa mga programa at proyektong utos ng Rice Competitive Enhancement Fund (RCEF), isang taunang P10-bilyong pondo na napasimulan dahil sa RA 11203 na magmumula sa koleksyon ng taripa ng Bureau of Custom’s (BOC) sa mga inaangkat na bigas ng mga pribadong negosyante matapos ang pagpapatupad ng batas na ito.
“This unconditional cash assistance program is meant to help cushion the initial impact of lower palay prices on our farmers as they transition to the new rice tariffication regime,” pahayag ni Dominguez.
Dagdag pa nito, “For the long haul, the RCEF facility under RA 11203 will help sharpen the global competitiveness of our farmers by way of an array of programs providing them with access to farm machinery and equipment, high-yield seeds, cheap credit and skills training programs on farm mechanization and modern farming techniques.”
Inaasahan ni Dominguez na ang kita mula sa taripa ng mga inangkat na bigas ngayong taon ay lalagpas ng P10 bilyon, isang pag-unlad na sisigurado para sa pondo ng RCEF.
Ang taunang kita mula sa taripa na lampas sa P10 bilyon ay magagamit naman, aniya, upang lalo pang madagdagan ang ayuda sa mga magsasaka na apektado ng batas sa nalalabing mga taon ng administrasyong Duterte.
PNA