NABIYAYAAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang nasa 452 residente ng Cotabato City nang mabigyan ito ng “Pangkabuhayan” Package, sa pamamagitan ng Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP), kamakailan.

Pinangunahan ni DOLE 12 (Soccsksargen) Director Sisinio Cano at Mayor Cynthia Guiani-Sayadi ang pamamahagi ng package sa mga benepisyaryo sa isang programa sa lobby ng Cotabato City Hall.

Naglaan ng P9.6 milyon ang DOLE-12 para sa livelihood assistance na nakatuon sa pagpapabuti ng buhay ng mga mahihirap sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga marangal na pagmumulan ng kita.

“The beneficiaries were also trained on baking, food processing, welding, vulcanizing, sewing, cosmetology, fruit shake vending, cooking, electronic service, food cart vending, cooking and many others,” pahayag ni Cano.

Lubos naman ang kasiyahan ni Constancio Pabahay, isa sa mga benepisyaryo mula sa pamahalaan ang nagpasalamat, “walang salita ang makakapagpaliwanag ng kaligayagan sa puso ko ngayon.”

Sa talumpati ni Guiani-Sayadi, pinaalalahanan niya ang mga nakatanggap na wag nilang ipagbili ang natanggap nilang mga makina at iba pang mga tulong na natanggap sa gobyerno.

Isa ang “pangkabuhayan” package sa Cotabato City sa marami pang mga programa para sa mahihirap sa rehiyon, na kilala din bilang Soccsksargen development hub, ayon kay Cano.

Kinapapalooban ang rehiyon ng mga probinsya ng North Cotabato, South Cotabato, Sultan Kudarat, at Sarangani, pati ang mga lungsod ng Cotabato, Kidapawan, Tacurong, Koronadal, at General Santos.

PNA