KINAPOS si two-time world champion Dennis Orcollo sa prestihiyosong 2019 US Open 10-Ball Championships nitong weekend sa Rio All-Suit Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.

Impresibo ang ratsada ni Orcollo tungo sa championship match, ngunit naungusan siya ni Marco Teutscher ng Netherlands, 9-11, sa titular duel ng torneo na may basbas ng World Pool-Billiard Association.

Umabante si Orcollo sa finals nang talunin si Teutscher sa semifinals ng winners’ bracket, 9-6, sa double-elimination format.

Nalaglag sa losing column ang karibal, subalit nakabawi nang gapiin si Filipino cue master Jeffrey de Luna (6-9) na humarang sa tangka sanang all-Filipino finale.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Sa pagbabalik ni Teutscher sa finals, mas suwabeng tirada ang inilatag nito sa huling sandali ng laban para dungisan ang malinis na rekord ni Orcollo at angkinin ang unang major win sa career.

Naiuwi ni Teutscher ang ang US$10,000 papremyo habang hindi naman uuwing luhaan si Orcollo na nagkamit ng $6,500 runner-up purse.

Nagtapos sa ikatlong puwesto si De Luna para maibulsa ang $3,800.

Kabilang sa mga tinalo ni Orcollo sina Jimmy Henry ng New Zealand sa second round (9-4), John Morra ng Canada sa third round (9-5), Yu Hsuan Cheng ng Chinese-Taipei sa fourth round (9-3) at De Luna sa quarterfinals (9-8).

Sunod na sasabak ang Pinoy cue masters sa US Open 8-Ball Championships na idaraos sa parehong venue.