TAONG 2017, nang pagtibayin bilang batas ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN), na layong mapababa ang personal income tax ngunit layon ding makakalap ng bagong pondo para sa pamahalaan, kabilang ang P2 taripa sa kada litro ng diesel at iba pang uri ng inaangkat na langis. Ang bagong taripang ito ang isa sa mga salik sa pagsirit ng presyo noong nakaraang taon, bagamat iginigiit ng mga economic managers ng pamahalaan na malaking salik dito ay mula sa pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis.
Nagawa nating malampasan ang panahon ng mataas na presyo noong nakaraang taon, pangunahin sa pamamagitan ng Rice Tariffication Law na nagpahintulot sa walang humpay na pag-aangkat ng murang bigas. Ito ang nagpababa sa presyo ng bigas na sinundan ng pagbaba rin ng mga presyo sa merkado.
Inihahanda na ang TRAIN 2 bilang pagpapatuloy ng programa sa buwis, sa pagkakataong ito, sa pamamagitan ng pagbawas sa corporate income tax at pagtapyas sa mga insentibo sa buwis na ipinatupad ng Pilipinas upang maraming dayuhang kumpanya ang mamuhunan sa ating mga export zone. Tinawag din itong TRABAHO bill—para sa Tax Reform for Attracting Better and Higher-Quality Opportunities—na malinaw na ipinangalan upang mas maging kaakit-akit. Ngunit mas mainam na kilala ito sa orihinal nitong pangalan.
Agad na bumuhos ang negatibong reaksyon. Sampung kumpanya ng aerospace ang nag-anunsiyo na inabandona na nila ang planong lumipat mula China patungo sa Pilipinas; sa halip sa Vietnam na sila tutungo. Habang ilang mga dayuhang kumpanya na dati nang nasa ating mga export zone ang nagdesisyon na ipagpaliban ang kanilang planong ekspansyon.
Nitong nakaraang linggo, nagsalita ang pangunahing investment-generating na ahensiya ng pamahalaan, ang Board of Investment (BoI), kontra sa anumang “pagmamadali” sa implementasyon ng mungkahi ng TRAIN 2 na pagputol sa mga insentibo sa buwis na naging daan sa pagpasok ng maraming dayuhang kumpanya sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni BoI Managing Head Ceferino Rodolfo na maaaring nakatanggap ang sampung pangunahing PEZA enterprises ng insentibo sa buwis na umaabot sa P45. 2 bilyon mula 2015 hanggang 2017, ngunit nagbayad ang mga ito ng kabuuang buwis na nagkakahalaga ng P45.3 bilyon. Umaabot sa $40.7 milyon ang kanilang kabuuang export; P110.1 bilyon ang kanilang local purchase. At nasa 165,300 Pilipino ang nabigyan nila ng trabaho.
Idinagdag din ni Philippine Export Zone Authority Director General Charito Plaza ang sumusunod na tala: Nagkapag-ambag ang PEZA at ang mga rehistrado nitong mga kumpanya ng kabuuang P10.5 trilyon sa ekonomiya ng bansa mula 2015 hanggang 2017.
Sa maraming bagay na nalalagay sa alanganin, kailangan maingat ang maging pagtataya sa TRAIN 2 o TRABAHO, lalo’t maari itong magdulot nang malaking pagkawala kumpara sa inaasahang mapakikinabangan dito. Higit tayong nababahala sa posibleng pagkawala ng maraming trabaho. Iminumungkahi ng BoI ang isang lima hanggang sampung taong transition period bago ang buong implementasyon ng bagong sistema. Dapat itong makatulong upang maibsan ang anumang balakid na maaaring harapin ng maraming dayuhang kumpanya sa pagpapatupad nito.