PORMAL nang idineklara ng Department of Health (DoH) ang pambansang epidemya sa dengue (national dengue epidemic) bunsod ng patuloy na pagdami ng kaso na umabot na sa 146,062 at ikinamatay (hindi ikinasawi) ng may 622 tao.

Bagamat deklaradong epidemya na, hindi naman niya inirekomenda ang paggamit ng dengvaxia vaccine. Sa ngayon, tanging ang dengvaxia ang tanging bakuna sa dengue na dala ng kagat ng makamandag na lamok. Ayon kay Duque ang 146,062 kaso ng dengue na nai-record ng DoH ay mula noong Enero hanggang Hulyo 20 nitong taon, 98 porsiyento na mas mataas sa mga kaso ng dengue sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Batay sa DoH’s Dengue Surveillance Report, pinakamarami ang tinamaan ng sakit sa Western Visayas na 23,300. Sinundan ito ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) na may 16,515 kaso. Ang Zamboanga Peninsula ay nagtala ng 12,317; Northern Mindanao ay 11,455; at Soccskargen (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, General Santos City) na may 11,083 kaso.

Ang iba pang mga lugar na lumampas sa tinatawag na alert threshold ay Ilocos Norte Region na may 4,396 kaso; Central Visayas, 10,728; at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na may 2,301 kaso. Mabuti na lamang at wala pang dengue sa Metro Manila at sa Central Luzon.

Noong Martes, ang DoH ay naglunsad ng “search and destroy campaign” upang mahadlangan ang pagkalat ng dengue. Sa kabila ng mga problema na kinakaharap ni Duque kaugnay ng usapin sa PhilHealth na ibinunyag ni Sen. Panfilo Lacson, nananatiling matatag at hindi nagpapatinag ang Kalihim sa tungkulin

Badya ni Duque: “Simula ngayon, ang DoH, kasama ang LGUs, mga paaralan, tanggapan at komunidad, ay maglulunsad ng ‘Sabayang 4 o’clock habit’ na itutuon sa pagwasak sa mga lugar na pinangingitlugan ng mga lamok.

Hiniling niya sa taumbayan na makiisa sa kampanyang durugin ang mga lamok. “Wala tayong gamot, wala tayong bakuna, kaya ito lang ang paraan para mapigilan ang pagkalat ng dengue, at umaasa tayo na makatutulong ito sa pagbabawas sa mga kaso ng karamdaman.”

oOo

Muling bibisita si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa kinakaibigan niyang China sa buwang ito. Sa wakas, babanggitin na rin ng ating Pangulo ang makasaysayang ruling o desisyon ng Abitral Court na pumapanig sa Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, sasabihin ni PRRD ang desiyon ng hukuman sa kanilang “one-on-one dialogue” ni Chinese Pres. Xi Jinping. “Ito ay alinsunod sa kanyang pahayag nang una siyang bumisita sa China, na “there will be a time that I will raise this issue and talk about it but not now. The time has come.”

Sinabi ni Panelo, top legal counsel ng Pangulo, na ipinasiya ni Mano Digong na i-invoke na ang international ruling ng Arbitral Court sapagkat nalalapit na ang pagtatapos ng kanyang termino. Makikipagpulong ang ating Pangulo sa lider ng China sa katapusan ng buwang ito.

“Pupunta ako doon (China) dahil may kaguluhan na kailangang matugunan. Interesado rin ang presidente, ayon kay Panelo, hinggil sa 60-40 hatian sa panukalang joint exploration ng langis at gas sa WPS. Babanggitin din daw ni PRRD kay Pres. Xi ang June 9 Recto Bank maritime incident na kung saan binangga ng Chinese vessel ang fishing boat ng 22 mangingisdang Pinoy, inabandona at iniwang sisinghap-singhap ang mga mangingisda sa dagat. Buti na lang sinagip sila ng Vietnamese fishermen.

Magiging matatag daw ang Pangulo sa banta ni Pres. Xi na magkakaroon ng gulo (trouble) kapag nagsagawa ng oil explorations ang Pilipinas sa WPS. Laging sinasabi ni PRRD na ayaw niyang makipaggiyera sa China dahil sa usapin sa WPS. Sinasabi ng mga Pinoy na hindi naman nais makipaggiyera sa China, ang gusto lang natin ay sabihin sa dambuhala na mali ang ginagawa nilang pag-okupa sa mga shoal, reef, isles na teritoryo ng Pilipinas.

-Bert de Guzman