NANG marinig ko ang paghahamon ni Charlie “Atong” Ang na kaya niyang palubohin ang kita ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng hanggang P60 billion sa loob ng isang taon, at handa pa siyang itaya ang kanyang buhay kapag hindi niya ito nagawa, agad kong itinaas ang dalawa kong kamay bilang pagsang-ayon sa kanyang pagyayabang. ‘Yun lang sure ako, may kalakip na larong ilegal ang kanyang pamamaraan at sa dakong huli, sila lamang ng kanyang piling alipores na mga gambling lord ang makikinabang ng mas malaki.
“O sige since magaling kang ano, may medal ka lahat, okay. Patutunayan ko. Kayong dalawa ni Corpuz ‘pag napatunayan ko yan...isusugal ko ang buhay ko against sa buhay ninyong dalawa,” ang sabi ni Atong sa isang interview sa radio DZMM.
Ang pinatutsadahan ni Atong ay sina dating PCSO General Manager Alexander Balutan at chairman Jose George Corpuz - kapwa sinibak at pinaiimbestigahan ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa gabundok na korapsyon sa PCSO –nang akusahan si Atong ang dalawa na pumupustura lamang upang makuha ang importanteng posisyon na hawak nila sa PCSO.
Bakit ko nasabing kaya ni Atong? Nagawa na niya kasi ito sa noong dekada ‘90 – noong administrasyon ng kaibigan niyang karnal na si Joseph “Erap” Estrada—nang iangat niya ang pabagsak na tayaan ng Jai Alai Fronton dahil sa malakas na kubransa sa masiao.
Ang masiao ay isang ilegal na sugal na pang-masa, tatlong numero mula 1 hanggang 10 ang pwedeng tayaan – sa halagang 25 sentimos hanggang P100—na ang resulta ay ibinabatay sa labas ng laro sa Jai Alai na kung tawagin ay Special Llave.
Naging pamoso ito sa Cebu City noong Dekada ‘80 nang magkaroon sa siyudad ng Jai Alai fronton, na may palaro araw-araw gaya rin sa Jai Alai fronton sa may Taft Avenue, Maynila. Malakas ang tayaan sa Jai Alai, lalo na sa Special Llave, na abot ng daang libo ang napapanalunan ng mga mananaya.
Ayon sa kaibigan kong intel operative ng Philippine National Police (PNP), noong dekada ‘90 ay “never-heard” pa ang masiao kahit na halos kasing laki na nito ang kubransa ng jueteng ng mga gambling lord sa Luzon.
Nag-infiltrate ang mga intel operative sa sindikado ng masiao – sa tulong ng dalawang matitinik at kilalang pelotari na pumayag maging action agent nila at isang taga-media— kaya nadokumentuhan ng PNP-Intelligence Group (IG) ang paglaganap ng masiao sa buong bansa, at na-identify nila ang mga maimpluwensiyang “sports personalities” na nagpapagalaw sa masiao operations, lalo na sa Central Visayas.
Nang panahong iyon, mula Cebu City ay unti-unting kumalat ang masiao sa iba pang mga lalawigan sa Visayas at Mindanao. Ito ay sa tulong ng live broadcast sa radio ng Special Llave tuwing hatinggabi at paglabas ng mga RIGGED na resulta nito sa mga print media, lalo na sa mga tabloid.
Nang ipasara ang fronton sa Cebu City, nalipat ang game fixing operation ng sindikado sa Metro Manila na nagresulta naman sa pagbaba ng legal na tayaan ng mga off fronton dito, kasabay naman nang pagtaas ng kubransa ng ilegal na masiao. Namayagpag ang “game fixing syndicate” sa Jai Alai Fronton sa Taft Avenue at tumagal ito ng ilan pang mga taon.
Nang mahalal na pangulo si Erap, itinalaga niya agad si Atong bilang Pagcor consultant sa Jai Alai Gaming, at nang mabuksan ang bagong gusali ng Jai Alai fronton sa Malate – tuluyan nang isinara ang Jai Alai fronton sa Taft Avenue dahil sa pinsalang inabot nito sa malakas na lindol noong 1991— dito nag-opisina si Atong, kung saan niya inumpisahang palakasing muli ang tayaan sa mga legal na Jai Alai fronton, partikular dito sa Metro Manila at mga lalawigan.
Kuwento ng mga kaibigan ko sa PNP-IG, napalakas ni Atong ang tayaan o “sales” ng mga legal na off fronton dahil sa kanyang “masterpiece” na Oplan PANABLA.
Sa huling bahagi ng serye ko ipaliliwanang kung ano ang PANABLA at idedetalye ang gimik ni Atong kung paano niya namanipula (RIGGED) ang resulta ng Special Llave, na kahit ilegal ay nagpataas naman sa kita ng mga legal na-off fronton sa buong bansa – kasabay naman ng pamamayagpag niya at mga alipores na gambling lord. ABANGAN!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.