NOONG isang taon, lumagda ang China at Pilipinas ng memorandum of understanding hinggil sa joint oil and gas exploration sa South China Sea.

“Iminungkahi nila ang 60-40, at Ok ako dito. Pero pag-uusapan namin ito kapag may oras pa,” wika ni Pangulong Duterte. Nasabi ito ng Pangulo dahil sa nakatakda niyang pagdalaw sa Beijing sa buwang ito, nangako siya na igigiit niya kay Chinese President Xi Jingping ang napanalunang ruling ng Pilipinas laban sa China sa Permanent Court of Arbitration hinggil sa kanyang sovereign rights sa pinag-aagawang bahagi ng South China Sea. Ang problema, hindi sa bibig ng Pangulo nagmula ang nasabing pangako kundi sa kanyang spokesman. Kaya, hindi nakatitiyak ang mamamayang Pilipino kung gagawin nga ito ng Pangulo. Kasi, mismong ang ambassador ng China sa panayam sa kanya ng mga mamamahayag, sinabi niyang hindi babanggitin ng Pangulo kay Chinese President Xi Jingping ang arbitral ruling. Banggitin man niya o hindi ito, ang malamang na pangunahing dahilan ng pagbisitang muli ng Pangulo sa China ay ukol sa oil exploration.

Kamakailan, namataan ang dalawang survey ships ng China sa exclusive economic zone ng Pilipinas. Ayon kay Ryan Martinson, assistant professor of China Maritime Studies, nakita ang mga imahe ng Dong Fang Hong 3 sa baybayin ng Ilocos Norte at Zhanjian, sa Bicol at rehiyon ng Eastern Visayas. Nauna rito, sinabi ni National Defense Delfin Lorenzana, na apat na beses mula noong Pebrero, naglayag sa Sibutu Strait malapit sa Tawi-Tawi ang mga barkong pandigma ng China. Pinaiiral na ng China ang pinasok ni Pangulong Digong na kasunduang joint oil and gas exploration sa karagatang sakop ng exclusive economic zone ng bansa, pero bakit mag-isa lang niyang ginagawa ito?

Kaya, nababahala ang defense department. Wika ni Sec. Lorenzana: “Hindi ko sinasabi na hindi maganda ang kanilang layunin, pero bakit sikreto? Bakit pinapatay ang kanilang automatic identification system at ayaw kilalanin ang challenges ng Philippine law enforcement agencies? Sa nangyayari ngayon, kaming nasa defense sector ay masyadong nang naalarma. Ang protocol ay dapat humingi sila ng permiso kung nais nilang mag-research o mag-survey sa ating karagatan. Kapag pinayagan sila, sasamahan sila sa kanilang misyon ng Filipino Marine Scientist.” Ang ikinababahala ni Lorenzana ay kung gumagawa ng ibang bagay ang mga Chinese vessels lalo na kung paniniktik sa mga posisyon ng bansa. Wala, aniyang, kapasidad ang bansa na malaman kung nagpapanggap lang ang mga ito na marine research ship. Ang kanyang mungkahi ay humingi ay humingi ng tulong sa America sa layuning pagmomonitor. “Sa west Philippine Sea, kapag malayo ay hindi sila makikita ng ating radar, pero mamo-monitor sila ng ibang mga ahensiya tulad ng United States, o ibang bansa na may satellite,” sabi pa ni Lorenzana.

Kung labis na naaalarma sina Lorenzana at kapwa niya nasa defense department, hindi naman nababahala si Pangulong Digong. Dapat siya ang unang nagpapakita ng pagtutol sa ginagawa ng China sa ating teritoryo. Pero, hindi man lang siya nagpaparamdam ng pagkabahala. Susundin kaya niya ang mungkahi ni Lorenzana na paghingi ng tulong sa Amerika sa pagmo-monitor sa ating karagatan? Naging masalimuot na ang problema ng Pilipinas sa kanyang karagatan na naagapan sana ang paglala kung sa simula pa lang ay ginamit na ng Pangulo na armas ang arbitral ruling laban sa sinumang agresibong umaangkin nito.

-Ric Valmonte