NANG ihayag ni Pangulong Duterte nitong Hunyo ang posibilidad na makapaglakbay mula Makati hanggang Cubao sa Quezon City sa loob lamang ng limang minuto pagsapit ng Disyembre, marami ang nagpahayag ng pag-aalinlangan. Limang minuto—gayong inaabot ng isang oras? At dalawang oras ang biyahe?
Nitong Miyerkules, sinabi ng pinuno ng “Build, Build, Build” Interagency Committee ng Department of Public Works and Highways, na si Anna Mae Lementillo, na posibleng makamit ang ‘5-minute goal,’ hindi sa pamamagitan ng isang proyekto ngunit sa kombinasyon ng ilang mga salik.
Aniya, minamadali na ngayon ng pamahalaan ang pagpapatapos sa Skyway Stage 3, isang daan sa Metro Manila na sumasakop sa North Luzon Expressway (NLEX)-Harbor Link mula sa bahagi ng Valenzuela-Caloocan patungo sa Port Area sa Maynila.
Minamadali na rin ang pagtatrabaho sa nakataas na kalsada na nagkokonekta sa South Luzon Expressway (SLEX) patungo sa NLEX, mula sa Osmena Highway sa Makati patungo sa Araneta Blvd. deretso sa Balintawak Ave. at nagtatapos sa Caloocan. Ang mga ito ay luma nang proyekto na nagsimula pa sa nakaraang administrasyong Aquino, na ngayon ay binibilisan nang matapos.
At nariyan din ang Luzon Spine Expressway, na magkokonekta sa ilang expressways mula La Union patungong Clark at sa Subic, patungo sa mga expressways at skyway sa Metro Manila, hanggang sa Timog Katagalugan. Natapos na ang Laguna Lake Expressway. Ilang tulay ang nasa konstruksiyon na, tulad ng Bonifacio Global City-Ortigas link.
Ang mga ito ay hindi direktang konektado sa EDSA ngunit kapag natapos, maraming libu-libong sasakyan na gumagamit ngayon ng EDSA ang mas pipiliin nang gamitin ang mga bagong daan at tulay. Inaasahang makukuha ang mga alternatibong rutang ito ng nasa 300,000 sasakyan na ngayo’y nagsisiksikan sa EDSA.
Ipinapalagay na matatapos ang mga proyektong ito pagsapit ng 2020, bagamat ang ilan ay handa na sa mga susunod na buwan, sa patuloy na pagdidiin ng mga opisyal sa mga kontraktor na pabilisin ang trabaho. Marahil ito ang pangunahing epekto kay Pangulong Duterte nang sabihin niya na aabutin na lamang ng limang minuto ang biyahe sa EDSA mula Quezon City patungong Makati pagsapit ng Disyembre. Maaaring hindi ito 100 porsiyento na magkakatotoo ngunit anumang pagbabago—posible ang 15 hanggang 20 minutong biyahe.
At dapat nating pasalamatan ang Pangulo para sa pagpapahayag niya ng ekspektasyon— isang pagmamalabis, tiyak, ngunit isang bagay na lumilikha ng aksiyon higit sa nakasanayan nang ugali ng pagbalewala, na responsible sa pagkaantala ng maraming proyekto ng gobyerno sa nakalipas.