SI Jin Macapagal ng Cebu ang pinakanakitaan ng potensyal na susunod sa yapak ng kanyang mga iniidolong artista matapos siyang tanghaling Ultimate Bidaman sa “Bidaman: The Big Break” grand finale ng It’s Showtime nitong Sabado, Agosto 10.
Si Jin, 24, ang namayagpag laban sa 11 na iba pang grand finalists sa iba’t ibang challenges kung saan sinubok ang kanilang kakayahan sa pag-arte, koneksyon sa audience, at stage presence.
Sinelyuhan ni Jin ang puwesto niya sa kumpetisyon matapos niyang makakuha ng average score na 8.9 sa huling “The Spotlight” challenge kung saan kinailangan nilang umarte nang mag-isa gamit ang kanilang sariling piyesa. Tinalo niya ang kapwa top 3 contenders na sina Eris Aragoza (8.6) at Jiro Custodio (8.3).
Dahil sa kanyang performance at looks, tinawag siya ng huradong si Edu Manzano na “young Rico Yan.”
Ibinida rin ni Jin ang husay niya sa pakikipagsabayan sa pag-acting kasama ang isang leading lady sa “Matinee Matibay” challenge, kung saan nakaeksena niya ang aktres na si Jane Oineza. Ipinamalas din ni Jin, na isang physical therapy graduate, ang galing niya sa pagsayaw sa unang “Bida Moves” challenge.
Bilang Ultimate Bidaman, wagi si Jin ng P1 milyon, isang management at movie contract sa ABS-CBN, isang bagong pick-up truck mula sa SsangYong, house and lot mula sa Lumina, at role sa MMFF movie nina Anne Curtis at Vice Ganda.
Nakakuha naman ng tig-P100,000 ang runners-up na sina Eris at Jiro, samantalang nanalo ng tig-P20,000 ang iba pang grand finalists.
Kasama sa mga huradong kumilatis sa Bidaman grand finalists sina Angel Locsin, Nadine Lustre, Joshua Garcia, Ian Veneracion, Edu Manzano, ABS-CBN TV production narrative head Ruel Bayani, at ang head hurado at It’s Showtime director na si Bobet Vidanes.
Maraming netizens ang sumubaybay sa pagkapanalo ni Jin at sa tagisan ng grand finalists dahil nag-trend sa buong mundo at sa Pilipinas ang hashtag na #BidamanTheBigBreak sa Twitter.
Dapat namang abangan ng mga manonood ang bagong segment na “Mr. Q & A” sa noontime show.
-MERCY LEJARDE