WALASTIK!

Ni Edwin Rollon

BAGONG karanasan, bagong kasaysayan sa batang swimming career ni Micaela Jasmine Mojdeh.

Laban sa elite swimmers at mas may edad na karibal, pinatunayan ng 13-anyos age-group phenom ang kahandaan sa mas mataas na antas ng kompetisyon nang angkinin ang women’s 200m butterfly event at tanghaling tanging Pinoy na nagwagi ng gintong medalya sa prestihiyosong Hong Kong Open Swimming Championship nitong Linggo sa Victoria Park Swimming pool.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

WOW! Matamis na tagumpay ang natikman ni Philippine Swimming Princess Jasmine Mojdeh bilang miyembro ng Philippine Elite Swimming Team sa nakamit na gintong medalya sa HongKong Open Swimming Championship. (SWIM PINAS)

WOW! Matamis na tagumpay ang natikman ni Philippine Swimming Princess Jasmine Mojdeh bilang miyembro ng Philippine Elite Swimming Team sa nakamit na gintong medalya sa HongKong Open Swimming Championship. (SWIM PINAS)

Naungusan ni Mojdeh, Philippine Junior record holder, ang beteranong kasangga na si Rosalee  Mira Santa Ana at SEA Games campaigner Sounthourchoke Supasuta ng Thailand sa dikdikang finale sa naisumiteng tyempo na 2:20.01.

Gabuhok lamang ang layo niya kay Santa Ana sa naorasan ng 2:20.06, habang bronze medalist ang 23-anyos na si Supasuta (2:20.91).

Ito ang unang sabak ni Mojdeh sa international elite swimming competion bilang miyembro ng Philippine Team na binuo ng Philippine Swimming Inc. Bahagi si Mojdeh ng seven-man team mula sa Swimming Pinas.

“We really did not expect to  win kasi po Open ang kompetisyon at matitindi yung mga elite swimmers na kasali dahil part ito ng qualifying meet para sa SEA Games at 2020 Tokyo Olympics. Walang age grouping kaya yung Swim Pinas member were up against sa mas matatanda at experienced na mga swimmers,” pahayag ni Joan, ina ang tinaguriang ‘Philippine Swimming Princess’.

“She was really disappointed sa first two days ng laban kasi she was not hitting the target times na gusto niya. So she was a bit frustrated at first pero I think it ignited the fire in her to push more talaga in the last day.

“Sabi nga niya, hindi raw siya uuwi na walang medalya. She claimed the gold so we were so happy. Target niya ma-hit niya yung 2:17 mark next time. Right now, we’re happy to win gold for the Philippines,” sambit ni Joan.

Hindi man nalagpasan ng Brent International student ang 2:19.51 junior national record na naitala niya sa ASEAN Schools Games nitong Hulyo sa Semarang, Indonesia, ang panalo ay sapat na para mapataas ang kumpiyansa sa kanyang pagsabak sa 1st Philippine National Open Swimming Championships sa Setyembre – ang huling qualifying meet para sa Philippine Team na isasabak sa 2019 SEA Games.

Sa kasalukuyan, ranked No.4 si Mojdeh sa naturang event matapos lagpasan si  Samantha Banos na nagsumite ng 2:20.15 sa nakalipas na 43rd SEA Age Group Swimming Championships.

Ang Fil-Am na si Remedy Rule ang kasalukuyang nangunguna sa 200m Fly event sa oras na 2:11.28, kasunod sina Santa Ana at Georgia Peregrina na may tyempong  2:18.48 at 2:19.32, ayon sa pagkakasunod. Batay sa pamantayan ng PSI ang mangungunang dalawang swimmers sa bawat event ang makakasama sa National Team sa SEAG.

Ang tagumpay ni Mojdeh ay nagpataas ng kasiyahan sa Team Philippines matapos ang dalawang silver medal na naikasa ng beterano at two-time Olympian na si Jasmine Alkhaldi.

Sumegunda ang 26-anyos na si Alkhaldi sa 100m Free at 50m Fly sa oras na 56.57 at 27.62, ayon sa pagkakasunod, habang si Camille Buico ay tumapos sa 5th sa 50m Fly event (28.83) sa huling araw ng kompetisyon.

Nakapag-uwi naman si UAAP champion Maurice Sacho Ilustre ng bronze medal sa Men’s 100m Butterfly event (56.02).

“Big thanks Coach Alex,Coach Marlon Dula Coach Qkw, Swimmingteam Daddy Modj and to Coach Susan whom we miss so much. She even said that she hoped coach Susan was with us before she swam the 200 fly. And I'm pretty sure she really guided Jasmine in her swim and even our safety way back to hotel,” pahayag ni Joan, patungkol sa namayapang si Susan Papa, president ng Philippine Swimming League (PSL) na humubog sa talento ni Mojdeh.

Bukod kay Mojdeh, kabilang din sa Swim Pinas elite swimmers na napasabak sa PH Team ay sina Jules Mirandilla, Jordan Ken Lobos, Marcus De Kam, John Neil Paderes, at Yohan Cabana.

Humirit din si Mojdeh sa lima pang event, ngunit bigong makasama sa podium: 100 Fly (1:04.54), 100 Breast (1:19.33), 800 Free (10:15), 4x100 Mixed Medley Relay (4th place) at 4x100 Medley Relay (5th place).