SA kalendaryo ng mga kristiyanong katoliko, taun-taon ay may dalawang mahalagang pagdiriwang ang binibigyang-buhay at pagpapahalaga na bahagi na ng tradisyon na nakaugat na sa kultuta ng mga kristiyanong katoliko. Ang dalawang pagdiriwang ay ang masaya at makulay na Pasko tuwing sumasapit ang ika-25 ng malamig na Disyembre—ang petsa o araw ng pagsilang o kapanganakan ni Jesus. At ang Easter Sunday o Linggo ng Pagkabuhay matapos ang Holy Week o Semana Santa.
Ang mga kapatid naman nating Muslim dito sa iniibig natin Pilipinas at ibang bansa ay may dalawa ring mahalagang okasyon na kanilang masaya, makulay at makahulugang ipinagdiriwang. Ang una ay ang Eid’l Fitr matapos ang kanilang Ramadan o ang isang buwan ng fasting o pag-ayuno. Sa mga kapatid natin Muslim, ang Ramadan ay isang pagsasakripisyo mula bukang-liwayway hanggang takipsilim o paglubog ng araw. Batay sa Republic Act No.9177, ang Eid’l Fitr ay non-working holiday. Ang ikalawa naman ay ang Eid’l Adha o feast of sacrifice o pagdiriwang ng sakripisyo. Ngayong 2019, ang Eid’l Adha ay ipagdiriwang ngayong ika-12 ng Agosto. Ang selebrasyon ng Eid’l Adha ay ipinahayag na national holiday ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang deklarasyon ay batay sa Republic Act 9848. Ang pagiging national holiday ay ibinatay na rin sa pahayag ng pamahalaan ng Saudi Arabia at ng National Commission on Muslim Filipinos na ang Eid’l Adha ay kailangang ipagdiwang.
Batay sa tradisyon ng mga kapatid nating Muslim, ang Eid’l Adha ay paggunita sa ginawang pag-aalay o paghahandog ni Ibrahim sa kanyang anak na si Ismael bilang sakripisyo, tanda ng katapatan at pagiging masunuri kay Allah (tawag sa Diyos ng mga Muslim).
Dahil sa ipinakitang katapatan ni Ibrahim, hiniling sa kanya ni Allah na isang tupa na lamang ang kanyang ialay o ihandog kapalit ng kanyang anak.
At ayon pa rin sa tradisyon ng mga Muslim, ipinagdiriwang ang Eid’l Adha taun-taon tuwing ika- 10 araw ng Dhu-Al Hijah— ang tawag sa ika-12 buwan sa Islamic calendar. Ang batayan ng pagdiriwang ay sinasabing mula sa Sura 2 Ayad 196 ng Quran—ang Bibliya ng mga Muslim.
Ang Eid’l Adha ay sinisimulan matapos ang taunang pilgrimage o paglalakbay ng mga Muslim sa buong mundo sa Mecca sa Saudi Arabia. Ang petsa ng pagdiriwang ng Eid’l Adha ay tinatayang 70 araw o dalawang buwan at 10 araw matapos ang Eid’l Fitr at Ramadan.
Isa sa bahagi ng Eid’l Adha ay ang wajib o morning prayer o dasal sa umaga at ang Khutbah o homily/ sermon. Kasunod nito ang pagpunta sa Mosque at iba pang pook-dalanginan at doon gagawin ang mga kaukulang ritwal na may kaugnayan sa pagdiriwang ng Eid’l Adha. Ang pagpunta ng mga kapatid natin Muslim sa mosque ay bahagi ng pagdiriwang ng Eid’l Adha. Ang mga mosque na pinupuntahan ng mga kapatid natin Muslim ay ang mosque sa Quiapo, Maynila at sa Taguig City. Sa lalawigan ng Rizal, ang mga kapatid Mudlim sy nagdiriwang ng Eid’l Adha sa kanilang mosque sa Barangay Batingan, Binangonan, Rizal.
Bahagi rin ng pagdiriwang ng Eid’l Adha ang pagkatay at pagluluto ng baka, kambing , kamelyo o tupa. Ibinibigay sa mga mahihirap bilang regalo o handog.
Ang Eid’l Adha ay nagwawakas o tinatapos sa pamamagitan ng Magrid o sunset prayer o pagdarasal kapag lumulubog na ang araw. Ganito ang ilan bahagi ng sunset prayer ng mga kapatid natin Muslim: “Allahu Akbar,Allahu Akbar. La Illahu, Illa lah, wallahu Akbar, Wa Illahid Hamdi. Sa Filipino: Dakila si Allah, Dakila si Allah. Wala nang katulad ang pagsamaba maliban kay Allah.Pinakdakila si Allaha.At sa Kanya karapat-dapat ang mga papuri.Sa mga kristiyanong katoliko, ang papuri ng mga kapatid natin Muslim ay katulad ng inaawit ng choir at ng mga tao na dumadalo sa Misa na “Papuri sa Diyos, Papuri sa Diyos sa kaitaasan. At sa lupa’y kapayapaan.” Inaawit sa bahagi ng “Gloria in et Excelsis Deo.”
-Clemen Bautista