Higit isang dekada na ang nakararaan nang maranasan ng bansa ang pinakamalalang oil spill sa Guimaras, ngayon, muling dumaranas ng matinding pagsubok ang islang probinsiya, makaraan ang trahedya ngayong buwan sa dagat na kumitil sa buhay ng 31 tao.
“This is worse than the August 2006 oil spill. The oil spill was an environmental disaster that did not take away a human life. This is a human tragedy,” pahayag ni Guimaras Governor Samuel Gumarin.
Sa pagbabahagi ni Gumarin sa Balita, sinabi nitong hindi inakala ng mga taga-Guimaras na mangyayari ang dalawang malalang trahedya sa probinsiya, sa buwan ng Agosto.
Kahapon, Agosto 11 ang ika-13 taon mula nang lumubog ang M/T Solar 1 na oil tanker sa baybayin ng Nueva Valencia, isang bayan sa katimugang bahagi ng Guimaras. Ang pagtagas ng nasa 2 milyong litro ng bunker fuel sa dagat ang ikinokonsiderang pinakamalaking oil spill disaster sa kasaysayan ng bansa.
Ngunit nitong Agosto 3, higit na matinding trahedya ang sumubok sa probinsiya nang tatlong pampasaherong bangka ang lumubog sa Iloilo Strait, ang bahagi ng tubig na naghihiwalay sa isla ng Guimaras at Iloilo City at mga kalapit nitong baybaying bayan, nang kung saan 31 buhay ang nawala at kinuha sa mga nagluluksang pamilya at mga kaibigan.
“It is now hurting our economy and our everyday lives,” pagbabahagi ni Gumarin.
Higit na ramdam ngayon ng probinsiya ang negatibong epekto ng trahedya sa pagsuspinde ng Philippine Coast Guard ng 15-minutong biyahe ng mga bangka sa pagitan ng probinsiya at ng Iloilo City.
Sa halip, tanging mga ferry at roll-on, roll-off (RoRo) na mga sasakyan ang pinahihintulutang maglayag at magsakay ng mga pasahero at produkto. Gayunman, mas mahal ang pamasahe rito at limitado rin ang biyahe.
Malaking bahagi ng operasyon sa Guimaras ang nakadepende sa Iloilo City, para sa suplay ng pagkain, trabaho at kalusugan.
“We are slowly being isolated. We source out 80 percent of ours needs from Iloilo and our people work in Iloilo,” ani Gumarin.
Inaasahan na rin ng Guimaras ang pagbagsak ng industriya ng turismo sa probinsiya, na isa sa mga pangunahing nagpapaangat sa ekonomiya ng isla na may lima lamang bayan. Ang naggagandahan nitong mga dalampasigan na ikinokonsidera ng ilan bilang alternatibo sa sikat na isla ng Boracay, lalo na sa mga biyahero na nagtutungo sa Iloilo. Nariyan din ang mga resort sa loob ng isla at mga ‘winding road’ na umaakit sa mga
mountain bikers tuwing weekend.
“We need help to get back to normal,” panawagan ni Gumarin.
Partikular dito, iginiit ni Gumarin na kailangang makipag-ugnayan ng pamahalaan at makipag-usap sa mga lokal na opisyal upang makahanap ng pangmatagalang solusyon.
-Tara Yap