Nilinaw ng Malacañang na walang masama sa paghingi ng Pilipinas ng tulong sa Estados Unidos sa pagbabantay sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa kaugnay ng iligal na pagpasok ng dalawang Chinese survey ship sa lugar.

Ang reaksyon ng Malacañang ay inilabas ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kasunod ng panukala ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na humingi na lamang ng suporta ng US na tututok sa lugar dahil sa kawalan ng sapat na kakayahan ng Pilipinas na gawin ito.

Aniya, wala silang nakikitang masama sa mungkahi dahil may umiiral naman na tratado ang bansa at US.

"Wala namang masama doon. Ang alam ko, gumagawa tayo ng sarili nating paraan para magkaroon tayo ng satellite resources Pero habang wala pa, eh kasama naman sa treaty ‘yun. Meron tayong treaty between America and the Philippines,”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nilinaw din ni Panelo na nasa kamay na ni Lorenzano ang desisyon kung itutuloy nito ang pagtatayo ng military detachment sa Fuga Island na nasa northernmost island group ng bansa, upang ma-monitor ang aktibidad sa lugar.

"Lahat ng bagay na makabubuti sa seguridad ng bansa palaging okay kay Presidente,” aniya.

Wala aniyang kautusan ang Pangulo kay Lorenzana na gawin ang nararapat sa ikabubuti ng bansa.

"Actually hindi naman kailangan ng instruction pa ng Presidente 'yan kasi 'yan ang teritoryo ng Departamento ng Seguridad ng Bansa kaya alam na ni Secretary Lorenzana. Kung ikaw ay miyembro ng isang Gabinete at alam mo ang patakaran ng iyong principal, hindi ka na kailangang maghintay na utusan ka na gumawa ka ng isang bagay. Gagawin mo na at your own initiative because ito ang patakarang ng presidente simula’t sapul pa,” ayon sa kanya.

Nauna nang inihayag ni Panelo na dapat munang humingi ng permiso o ipaalam ng China sa Pilipinas kung dadako sa EEZ ang mga survey ship nito dahil nagrerespetuhan naman ang mga ito.

"Even on the basis of friendship, then a matter of courtesy requires that we should be informed of any passage through our exclusive economic zone. I will use the words of the Ambassador (Chinese Ambassador Zhao Jinhua). We're friends and friends provide each other with courtesies required of friendship," idinagdag pa ni Panelo.

-Argyll Cyrus B. Geducos