Inabisuhan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang publiko na huwag maging biktima ng mabagal na proseso sa hinihiling na dokumento sa mga ahensya ng pamahalaan.
Sa kanilang Facebook post, nanawagan ang ARTA sa publiko na maghain ng reklamo kung nakararanas ng naturang sitwasyon sa pag-a-apply ng papeles sa mga tanggapan ng gobyerno.
"Kung iniwan ka sa ere at 'di na pinansin ang kumpleto mong aplikasyon sa ahensya ng gobyerno, Ghosting 'yan. Kaya naman, h'wag hayaang mabiktima ng mga paasa sa gobyerno. Itawag mo na sa ARTA, kami ang magbibigay sa 'yo ng closure,” paniniyak ng ARTA.
Umapela rin ang ARTA sa mga government office na aksyunan ang mga aplikasyon sa loob lamang ng tatlong araw.
"Kapag binigay na sa iyo ang lahat ng kailangan, magparamdam ka naman ng aksyon. Kung simple lang naman, three days lang dapat 'yan,” pagdidiin ng ARTA.
Sa ilalim ng Republic Act (RA) 11032 o ang Ease of Doing Business Act, aabutin lamang ng tatlong araw ang mga simpleng transaksyon sa pamahalaan at kapag malawak ang transaksyon ay aabutin lamang ng pitong araw habang 20 araw naman ang itatagal ng technical transactions.
Ginamit ang terminong 'ghosting' sa nakaraang mga araw dahil sa kontrobersyal kinasasangkutan ng mga artistang sina Bea Alonzo, Gerald Anderson, at Julia Barretto.
Sa pag-aaral, madalas na ginagawa ang ‘ghosting’ sa pag-iwas sa mga tawag, text, at email ng sinuman, na iniiwasan din sa publiko.
-Argyll Cyrus B. Geducos