BILANG pagbibigay sa nakatakdang hosting ng bansa ng Southeast Asian Games, pinabilis ng UAAP ang skedyul ng mga laro at magkakaroon ng triple-header  sa men’s and women’s division sa UAAP Season 82 basketball tournament opening day.
Parehas na magsisimula ang men's at women's tournament sa unang pagkakataon sa araw ng Miyerkules -Setyembre 4 buhat sa nakagawiang weekend kung saan gaya ng dati ay gaganapin ang men's games sa hapon at sa umaga naman ang women's.
Ang mga larong nakatakda sa araw ng Miyerkules para sa men’s side ay magsisimula ng 10:30 ng umaga, 12:30 ng hapon at 4:00 ng hapon.
Ang mga venues naman nila ay sa Araneta Coliseum, SM Mall of Asia Arena, at Ynares Sports Center sa Antipolo.
Sa women’s division, sabay na magsisimula ng alas-8 ng umaga sa dalawang magkahiwalay na venues ang unang laro at 10:00 naman ng umaga ang isa pang laro.
Magsisilbi namang venues ng women's tournament ang UST Quadricentennial Pavilion, Araneta Coliseum, SM Mall of Asia Arena, at Ynares Center sa Antipolo.
Sa opening day, magtutuos sa unang laban sa men's division sa Araneta Coliseum ang University of Santo Tomas at University of the East na susundan ng tapatan ng Far Eastern University at University of the Philippines bago ang sagupaan ng Ateneo de Manila at Adamson.
Ang unang salpukan ng archrivals Ateneo at La Salle para sa first round ay magaganap sa Setyembre 8 sa Araneta Coliseum habang ang Finals rematch sa pagitan ng Ateneo at UP ay sa pagtatapos ng unang round sa Setyembre 29 sa parehas ding venue.
Samantala, magaganap naman ang finals rematch sa women’s division sa pagitan ng National University Lady Bulldogs at FEU Lady Tamaraws sa Setyembre 25. Marivic Awitan