ANG utos ng hari ay hindi nababali. Kaya naman nang bitawan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang mabigat na utos sa isang kilalang gambling operator sa buong bansa -- “Pumunta ka doon sa PCSO, hintuin mo ‘yang lahat ng illegal at tulungan mo ang gobyerno!” – nagkagulo ang tabakuhan. Nasorpresa ang mga may hawak ng prangkisa ng lehitimong sugalan, na karamihan pala ay mga retiradong heneral.
Biglang natigil ang lotto – dalawang araw lang halos – subalit ang ang operasyon ng Small Town Lottery (STL), Keno, Peryahan ng Bayan at ibang pang pasugal na hawak ng Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) ay nanatiling suspendido habang gumugulong ang imbestigasyon hinggil sa gabundok na kurapsyon sa naturang tanggapan.
Lumakas ang hugong at bulung-bulungan nang lumutang ang pangalan ni Atong Ang – bukambibig na pangalan kapag ilegal gambling din lang ang pag-uusapan -- na siya palang pinagbilinan at inutusan ni Pangulong Duterte na mangalap ng impormasyon hinggil sa naririnig na niyang malaking pagkalugi ng PCSO dahil sa malawakang kurapsyon sa naturang ahensiya.
Ang dahilan kaya medyo malakas ang ugong ng ‘tila ‘di pagsang-ayon ng mga “gambling aficionado” sa paggamit kay Atong Ang – na isa palang gaming consultant ng PCSO, katambal ng Bicolana na mahilig “kumanta” na si Sandra Cam -- ay ang mga naging papel nito sa larangan ng “illegal gambling operation” sa mga nakaraang administrasyon, lalo na no’ng panahon ni President-Mayor Joseph “Erap” Estrada.
Hayaan ninyong ipakilala ko sa inyo si Atong na ang buong pangalan ay Charlie “Atong” Ang, isang negosyante na kaibigang karnal ni Erap. Magkakasama sila nina Erap, Sen. Jinggoy Estrada at abogadong si Edward Serapio na nahatulan sa kasong plunder.
Sumikat si Atong noong 1998 nang lumabas ang isang security CCTV video na kuha nila ni Erap na noo’y vice president lang, habang magdamag na nagsusugal sa Casino Filipino sa Heritage Hotel.
Nang maupong presidente si Erap, naging consultant si Atong ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), partikular na hinawakan niya ang Jai-Alai operations, at siya ang nagpasimula ng Bingo 2-Ball, ang sinasabing unang legal na jueteng sa bansa.
Gamit ang kanyang kapangyarihan bilang Pagcor “consultant” sa Bingo 2-Ball, ibinigay niya ang prangkisa at nakopo ito ni Rep. Eric Singson, isang kamag-anak ngunit mortal na kaaway naman ni Gov. Luis “Chavit” Singson. Ito na ‘yong naging simula ng tinawag na “Jueteng Gate Scandal” na nagbigay-daan upang humarap sa impeachment sa Senado si Erap bago ito tuluyang mapatalsik sa Malacañang at mahatulang makulong ng habambuhay kasama si Atong sa kasong plunder.
Ngunit matalas ang pang-amoy ni Atong. Noong Enero 20, 2001 kasabay nang pagpapatalsik kay Erap ay tumakas siya ng bansa patungong Hong Kong at USA. Ngunit makalipas lamang ang 10 buwan – noong Nobyembre 25, 2001 -- ay naaresto siya sa Las Vegas, Nevada sa bisa ng “extradition” na hiningi ng pamahalaan.
Ilan taon ding nakulong si Atong, at nang makapagpiyansa siya $300,000 ay nalagay naman siya sa house arrest ng halos limang taon. Ibinalik siya sa bansa noong Nobyembre 10, 2006 upang harapin din ang kasong plunder nila ni Erap. Kung paano niya muling tinatamasa ang sarap sa buhay sa mga panahong ito at paano siya muling nakabangon sa matinding pagkakarapa ay isang mahabang kuwento na kaabang-abang malaman!
Hindi ko personal na kakilala si Atong. Isang beses ko lang siyang nakaharap nang puntahan ko siya sa kanyang opisina sa bagong gawang Jai Alai Fronton sa tabi ng Harrison Plaza sa Malate, Maynila upang hingiin ang panig niya sa isinulat kong special report hinggil sa pamamayagpag ng illegal number game na kung tawagin ay Masiao sa mga lalawigan sa Visayas at Mindanao, habang nakaupo siya bilang boss ng Jai-Alai.
Noong panahong iyon, ang kubransa ng Masiao ay halos kasinlaki na rin ng sa jueteng sa Luzon, subalit ‘tila walang pumapansin. Ang naging basehan ng aking special report na hinihintay kong gamitin sa Inquirer ay ang intelligence brief na ginawa ng isang matinik na intel-operative ng PNP-IG na si Lt. Boy Cabiles na retirado na sa serbisyo ngayon.
Ang naganap sa opisina ni Atong ng araw na iyon ay isang kuwento na hinding-hindi ko malilimutan -- na kapag naaalala ko hanggang sa ngayon ay napapalatak at napapailing ako ng todo! Pinag-iisipan ko pa kung isasama ko ito sa huling bahagi ng serye, o habang panahon ko na lang kikimkimin – ABANGAN!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: daveridiano@ yahoo.com
-Dave M. Veridiano, E.E.