HANDA at palaban si boxing champion Mark “Magnifico” Magsayo.
Ganito inilarawan ng pamosong fighter ng Bohol ang sarili para sa pakikipagharap kay veteran Panya Uthok of Thailand para sa bakanteng WBC Asia at IBF Pan-Pacific featherweight title sa Agosto 31 sa Tagbilaran City.
Kipkip ang impresibong fourth-round knockout victory nitong Abril, kumpiyansa si Magsayo na mabibigyan ng kasiyahan ang mga kababayan.
“Handang-handa na ako laban na ito. Pipilitin ko talagang manalo para sa mga kababayan ko sa Bohol,” pahayag ni Magsayo sa kanyang pagbisita sa “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) nitong Huwebes sa National Press Club sa Intramuros.
“I’m really happy to be given the chance to fight again infront of my townmates, kaya talagang puspusan ang paghahandang ginagawa ko,” ayon sa 24-anyos na si Magsayo, tangan ang markang 19 panalo, tampok ang 14 knockouts.
Nilinaw ni Magsayo na nagdesisyon siyang magpahinga ng dalawang taon bunsod ng hidwaan sa dati niyang promotion na ALA Promotions. Sa kanyang pagbabalik noong Abril sa Singapore, pinabagsak niya si Erick Deztroyer ng Indonesia.
“Everything is OK now. Sila talaga ang nag-alaga ng husto kay Mark pero tapos na yun kontrata at hindi na na-renew. Nagpa-alam naman sa kanila (ALA Promotions) si Mark. And now he’s fighting under Vladimir Boxing Promotions,” pahayag ni Frances, maybahay at manager ni Magsayo sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, National Press Club, PAGCOR, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drinks at napapanood sa Facebook live via Glitter Livestream.