HUMUPA sa 2.3 porsiyento ang inflation sa bansa—presyo ng mga bilihin para sa mga ilaw ng tahanan—ngayong Hulyo, ayon sa Philippine Statistics Authority. Sa kaparehong panahon nang nakaraang taon, nasa 5.7% ang inflation sa buwan ng Hulyo at patuloy ang pagtaas. Umabot ito sa 6.4% noong Agosto, 6.7% noong Setyembre, bago ito nagsimulang bumaba sa huling tatlong nalalabing buwan ng taon.
Ang mababang tala ng inflation para sa buwan ng Hulyo, ay marahil dulot ng pagbaba ng presyo ng bilihin at mga inuming hindi alak sa 1.9%. Pinakamalaki ang pagbaba sa presyo ng bigas—na bumagsak sa -2.9% —na resulta ng malawakang importasyon sa ilalim ng Rice Tariffication Law. Nag-ambag din sa mababang inflation ang pagbaba ng presyo para sa bahay, tubig, elektrisidad, at iba pang uri ng langis nitong Hulyo.
Isa itong magandang balita para sa bansa, ngunit tulad ng paalala ni Economic Planning Secretary Ernesto Pernia, nasa gitna tayo ngayon ng habagat at panahon ng bagyo sa Pilipinas. Dumating na ang ulan matapos ang nakaraang mainit at kulang sa tubig na mga buwan, ngunit maaari naman ngayon itong magdulot ng mga pagbaha at landslide sa maraming lugar. Tatlo hanggang limang bagyo at iba pang kalamidad ang tradisyunal na tumatama sa Pilipinas sa panahong ito ng taon, na sumisira sa mga palayan sa maraming lugar.
Nariyan din ang ilang kawalan-katiyakan sa merkado ng langis sa daigdig. Ito ang pagsirit ng presyo ng langis sa Gitnang Silangan nitong nakaraang taon, dagdag pa ang pagpapatanaw ng bagong taripa ng Pilipinas sa mga produktong diesel at iba pang uri ng langis na nagtutulak sa pagtaas ng presyo ng lokal na langis. Na nagdudulot naman ng pagtaas sa presyo ng lahat ng produkto na iniluluwas mula sa mga sakahan patungo sa mga pamilihan sa siyudad.
At nariyan din, ang nanatiling banta ng mga nagmamanipula sa presyo, mula sa mga wholesalers pababa sa stallholders sa merkado. Maiiwasan ito sa pamamagitan nang walang humpay na inspeksiyon at pagbabantay sa mga pamilihan.
Nasa gitna na tayo ngayon ng ikatlong bahagi ng taon at abala ang pamahalaan sa pagharap sa problema ng epidemya ng dengue, trahedya sa dagat, kurapsyon sa pamahalaan, at ang nagpapatuloy na sigalot sa South China Sea.
Ngunit mahahanap natin ang kaginhawaan ngayon taon sa katotohanan na hindi tayo nahaharap ngayon sa problema ng mataas na presyo ng mga bilihin, tulad nang nangyari noong nakaraang taon. Ang 2.4% na tala ng inflation para sa Hulyo ang pinakamababa sa nakalipas na 31 buwan. At dapat itong magpatuloy pa sa pagbaba. Sa isang panayam ng mga editor ng Manila Bulletin nitong buwan ng Hunyo kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno, sinabi nitong inaasahang aabot ang inflation sa “close to 2 percent” bago matapos ang bahaging ito ng taon.