NAKATAKDANG magtungo si Pangulong Duterte sa China bago matapos itong buwan para makipagkita at talakayin kay Chinese President Xi Jinping ang 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration na kumikilala sa sovereign rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea kaakibat ng pagwaksi nito sa pag-aangkin ng China sa buong South China Sea.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nang tanungin niya ang Pangulo kung
kaninong ideya ang muling pakikipag-usap niya sa Chinese leader, ang sagot nito ay: “Natatandaan mo ba ang sinabi ko noon na may oras para igiit ko ang arbitral ruling? Ngayon na ang oras, kaya ako pupunta roon.” Kasi, nang manungkulan na ang Pangulo, isinantabi niya ang arbitral ruling at higit na ginusto ang pakikipagkaibigan sa China at ang mga benepisyong idudulot ng magandang relasyon dito. Ayon din kay Panelo, inaasahang tatalakayin din ng Pangulo kay Xi ang mungkahing joint exploration para sa langis at gas sa West Philippine Sea at pagresolba sa kaso ng paglubog ng bangkang pangisda ng mga Pilipino sa Recto Bank noong Hunyo 9 pagkatapos banggain ng Chinese trawler. Aniya pa, interesado ang Pangulo sa 60-40 na hatian sa gagawing exploration.
Katanggap-tanggap kina Sen. Ping Lacson at Risa Hontiveros ang gagawin ng Pangulo na paggiit sa arbitral ruling sa China, pero, anila, dapat na sa simula pa lang ay ginawa na niya ito. “Sa wakas. Umaasa ako na gagawin ito ng Pangulo hindi para magpalakas sa militar, kundi dahil tungkulin niya bilang Pangulo na ipagtanggol ang territorial integrity ng bansa,” wika ni Sen. Hontiveros sa isang pahayag.
Ang nagsabi lang ng gagawin ng Pangulo sa pagdalaw niyang muli sa China at pakikipag-usap kay President Xi hinggil sa napakahalagang bagay sa mamamayang Pilipino ay si Panelo. Hindi mismo sa Pangulo ito narinig ng bayan. Isa pa, paano malalaman ng sambayanan na tinotoo ng Pangulo ang pag-ungkat kay President Xi sa napanalunang arbitral ruling ng bansa hinggil sa sovereign right nito sa West Philippine Sea? Eh silang dalawa lang ang mag-uusap. Ganito iyong naganap sa inihayag ng Pangulo sa kanyang SONA na kasunduan nila ni President Xi na pinahihintulutan niya ang Tsinoy na mangisda sa karagatan ng bansa bilang kapalit ng pagpapahintulot ng China na mangisda ang mga Pinoy sa Panatag Shoal. Kung hindi dahil sa SONA, hindi nalaman ng sambayanang Pilipino ang pinasok na kasunduang ito ng Pangulo. Kaya mananalig na lang tayo sa kung anong sasabihin sa atin ng Pangulo kung binanggit niya kay Xi ang arbitral ruling pagkatapos nilang mag-usap at kapag nakabalik na siya sa bansa.
Kung gagawin man ito ng Pangulo, higit akong naniniwala na ang kanyang layunin ay ang ipinangakong itataas pa niya ang kanyang approval rating na 80 porsyento. Kasi kahit ganito kataas ang kanyang approval rating, bagsak naman ang trust rating ng China sa mamamayang Pilipino. Kaya kumakambiyo na ang Pangulo mula sa kanyang takot sa banta ng China na didigmain ang mga Pinoy kapag inilaban niya ang interes ng bansa sa West Philippine Sea. Sa kanyang pansariling interes, tumapang na si Pangulong Digong laban sa China.
-Ric Valmonte