MAKASALO ng Letran sa ikalawang posisyon ang tatangkain ng Lyceum of the Philippines, habang tatangkain namang kumalas ng University of Perpetual sa pagkakabuhol nila ng San Sebastian College sa parehas na markang 2-3 sa pagtutuos nila ngayong hapon para sa huling laro ng NCAA on Tour para sa Season 95 ng Men’s Basketball Tournament.
Ganap na 4:00 ng hapon ang salpukan ng Altas at bisitang Pirates sa homecourt ng una sa Las Piñas City.
Kasalukuyang nasa ikatlong puwesto ang LPU taglay ang kartadang 4-1, habang naiiwan ng isang panalo ng Letran (5-1).
Puntirya nila ang ika-apat na dikit na panalo pagkaraang mabigo sa ikalawa laro sa kamay ng Emilio Aguinaldo College Generals.
Target naman ng Altas na masikwat ang back-to-back wins.
Inaasahang mangunguna para sa Perpetual ang nakaraang Player of the Week na si Edgar Charcos ngunit magiging malaking hamon para sa kanya kung paano makikipagsabayan sa kambal ng Lyceum na sina Jaycee at Jayvee Marcelino.
Bukod sa magkapatid na pride ng Olongapo City, tiyak ding paghahandaan ng Perpetual ang Cameroonian slotman ng Lyceum na si Mike Harry Nzeusseu.
-Marivic Awitan
Standings W L
San Beda 4 0
CSB 4 0
Letran 5 1
LPU 4 1
SSC-R 2 3
Perpetual 2 3
JRU 3 4
Arellano 1 4
EAC 1 5
Mapua 0 5
Laro Ngayon
(UPHSD Gym-Las Piñas)
4:00 pm Perpetual vs Lyceum