SA pamumuno nina big men Japeth Aguilar at Andray Blatche, iginupo ng Gilas Pilipinas ang Congo, 102-80, sa unang tune-up game ng national team nitong Miyerkules ng umaga sa Palacio Multiusos de Guadalajara sa Espanya.
“For a forty-minute game, to score 102 points against a national team, I guess that shows that offensively the system is working,” pahayag ni Gilas coach Yeng Guiao.
Nagtala si Blatche ng 25 puntos habang nagdagdag si Aguilar ng 22 puntos upang pamunuan ang panalo ng Gilas kontra sa world 82nd-ranked team.
Tuluyang nilayuan ng Gilas ang Congo sa third canto matapos magsalansan ng 31 puntos kontra sa 16 lamang ng huli upang itayo ang 84-60 bentahe.
Kasunod nina Aguilar at Blatche, tumapos na may 16 puntos si Mark Barroca para sa 10-man Gilas squad sa nasabing closed door match.
-Marivic Awitan