TATANGKAIN ni Aaron Black na muling magtala ng natatanging performance sa 2019 PBA D-League Foundation Cup sa pagsagupa ng AMA Online Education kontra Marinerong Pilipino ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Sa kanyang unang dalawang laro sa developmental league, nagposte ng magkasunod na triple double ang anak ni PBA great at kasalukuyang Meralco coach Norman Black.

Nakapagtala si Black ng average na 25.5 puntos, 15.5 rebounds, at 12.5 assists sa nasabing dalawang laro na kinabibilangan ng 26-puntos, 16-rebounds at 14-assists na performance sa 110-92 panalo ng Titans kontra iWalk na nag-angat sa kanila sa patas na markang 1-1.

Pamilyar si AMA coach Mark Herrera sa laro ni Black dahil naging player nya ang 22-anyos na guard dati at natutuwa siya sa ipinakikita nito sa Titans.

Kaya naman inaasahan ng sisikapin ng Skippers na mapigil si Black sa pagharap nila sa Titans sa tampok na laro ngayong 5:30 ng hapon.

Brandon Clarke ng Memphis, pumanaw sa edad na 29!

Mauuna rito, magtutuos sa pambungad na laban ang Italiano’s Homme at Technological Institute of the Philippines ganap na 1:30 ng hapon na susundan ng tapatan ng Centro Escolar University at ng Nailtalk ganap na 3:30 ng hapon.

Manggagaling ang Skippers sa 118-71 demolisyon ng Hazchem sa una nilang laban noong Lunes na gusto nilang madugtungan upang makamit ang liderato sa Group A.

Inaasahang mamumuno para sa Marinero sina ex-pro Eloy Poligrates, JR Alabanza at Dan Sara.

Gaya ng Skippers, ikalawang sunod na panalo din ang target ng Scorpions upang manatiling nangingibabaw sa Group A matapos ang 107-77 na pagdurog nila sa Asia’s Lashes sa una nilang laro.

-Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Ynares Sports Arena)

1:30 n.h. -- Italiano’s Homme vs TIP

3:30 n.h. -- CEU vs Nailtalk-Savio

5:30 n.h. -- AMA vs Marinerong Pilipino