MAY mga nagtatanong kung sino raw ba ang mas malaki ang tiyan kina Pres. Rodrigo Roa Duterte o Sen. Richard “Dick” Gordon? Tinawag kasi ni Mano Digong si Sen. Dick bilang isang “butete” o tadpole dahil sa laki ng tiyan ng senador.
Tinawag din niya si Gordon bilang isang “smartass who is fart away from disaster.” Ang dahilan: Pinuna at binira niya si PRRD na mini-militarized ang gobyerno sa paghirang sa mga dating Heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa puwesto sa mahahalagang departamento at ahensiya ng pamahalaan.
Ang mga birada at personal na pag-atake ng ating Pangulo ay nagpapaalaala sa akin sa talas at bagsik ng dila ni yumaong Sen. Miriam Defensor-Santiago na minsan ay tinawag ang isang kongresista bilang “fungus-faced” o kung Tatagalugin ay “mukhang-amag” na mambabatas.
Hindi nagustuhan ni PDu30 ang komento ni smartass, este Gordon, na kaibigan niya sapul nang magkasama sila bilang mga alkalde ng kani-kanilang siyudad. Si PRRD ay mayor ng Davao City samantalang si Gordon ay alkalde ng Olongapo City. Para kay Sen. Dick, hindi sila dapat maghiwalay nang ganito.
Badya ni Gordon: “Nagulat ako kasi kami ay magkaibigan at ito ang unang pagkakataon na kami ay nag-away: Dagdag ni Flash Gordon: “ It reminds me of a poem...’when we two farted, I mean parted in silence and tears’ ...we shouldn’t part like this”.
Ayon kay Gordon, wala siyang malisya o masamang intensiyon sa kanyang komento hinggil sa hilig ng ating Pangulo na hirangin ang ex-AFP at PNP Generals sa mga sensitibong posisyon sa gobyerno. “Ginawa ko ito in good faith and out of concern for our country and the President, whom I consider a friend”. Natutuwa raw siya at may malasakit ang Pangulo sa kanyang waistline. Inaalagaan daw naman siya ni Kate.
Sa kabilang dako, hindi bilib si Pres. Rody sa mga komento at batikos ng mga kritiko sa paghirang niya sa dating mga Heneral sa mga sibilyang-posisyon sapagkat sila raw ay madaling utusan, disiplinado, hindi mareklamo at hindi corrupt.
oOo
Sa isang English broadsheet noong Sabado, ganito ang banner story: “Sara on 2022 bid: I’m praying for wisdom.” Ayon sa matapang na anak ng Pangulo, bahala ang Diyos kung siya’y tatakbo sa panguluhan o hindi. Papaano na sina Sen. Manny Pacquiao, Speaker Alan Peter Cayetano, Senate Pres. Tito Sotto, ex-Sen. Bongbong Marcos na tinatarget din ang panguluhan?
Samantala, nag-aabang sa tabi ang may-akda ng “Laylayan ng Lipunan”, si Vice Pres. Leni Robredo, na naniniwalang ang presidency o ang maging Pangulo ay isang ‘tadhana’ o destiny.
-Bert de Guzman