ANG 1602 ay katawagan ng mga pulis sa Presidential Decree 1602 na pinirmahan ni dating Pangulo Ferdinand E. Marcos noong 1978 para habulin ang mga gambling lord at mga sugarol sa buong bansa.
Naging bukambibig ito ng mga pulis dahil sa halip na mapahinto ang pasugal na jueteng, illegal bookies, masiao at iba pang kung tawagin ay mga sugal-lupa, ay lalong lumaganap ito sa kasuluksulukan ng mga lalawigan, at pinagkakitaan ito ng milyones ng mga nakaupong heneral na pulis at pulitiko.
Naging bukambibig ng mga pulis ang “1602”, animo password ito nakapag ang operasyon ay laban sa “1602”maraming gustong sumama dahil siguradong magkakapitsa o mamamantikaan sila!
Maraming itinuring na REYNA at HARI (mga gambling lord) ng PD 1602 – dahil dumating sa punto ng kasikatan at kapangyarihan ng mga ito na sila na ang nakapagdidikta kung sino ang dapat na manalo at umupo bilang gobernador, mayor at kongresista sa lugar ng kanilang operasyon.
At sa bawat bagong administrasyon, palaging may lumulutang na “bagman” na ang trabaho ay gumitna sa mga gambling lord at liderato ng nakaupong opisyal ng pamahalaan.
Sa “bagman” pumapasok ang “intelihensiya” o ang pera na katas ng “1602”, na lingguhang inaabangan naman ng mga pulitiko, opisyal ng pulis at militar, tao sa gobyerno at ilang matitikas na kasamahan ko sa media na patong sa illegal gambling.
Nang pasukin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mundo ng mga hari’t reyna ng PD 1602 – sa pamamagitan ng paglalagay ng “legal” na pasugal na Lotto, STL, Peryahan ng bayan, at iba pa – inaakala nila na mare-regulate ang mga ilegal na pasugalan sa buong bansa, ngunit nagkamali pala sila.
Sa halip kasi ay naging “front” pa ng mga ilegal na pasugal na gaya ng jueteng at masiao ang mga proyekto ng PCSO, at naging source ng gabundok na korapsyon ang bagong sistema. Resulta – pinag-aagawan ang mga importanteng posisyon sa PCSO tuwing magpapalit ang administrasyon.
At ang nakapagtataka – tuwing papasok ang bagong administrasyon, ang nakakukuha ng makapangyarihang puwesto sa board ng PCSO ay yung mga pangalan na madalas nating marinig na malaki ang pakinabang sa operasyon ng “1602” sa mga piling lugar sa bansa.
Kaya nang biglang lumabas ang balita na ipinasasara ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang PCSO dahil sa korapsyon hindi ako nabigla – inaasahan ko na ‘yun.
Hindi rin ako nagulat sa balitang lumabas na mga retiradong heneral ang nasa likod ng korapsyon sa loob ng PCSO – luma na rin kasi ‘yan at alam na ng buong bayan na sila-sila ang nagpakasasa sa dapat sana’y pakinabang para sa masang Pilipino, lalo na ‘yung mahihirap nating kababayan na iginugupo ng karamdaman.
Ngunit may isang balita na muntik nang magpalaglag sa akin sa silyang kinauupuan ko. Ito ay nang mabasa ko na ang ginamit at hiningian ng tulong ni Pangulong Duterte para malinis ang PCSO ay ang kilalang gambling operator na si Atong Ang!
At ito ang mabigat na utos ni President Duterte kay Atong Ang: “Pumunta ka doon sa PCSO, hintuin mo ‘yang lahat ng illegal at tulungan mo ang gobyerno!”
Kilala n’yo ba kung sino si Atong Ang? Ano ba ang ginampanan niyang papel sa mundo ng illegal gambling sa buong Pilipinas? Sa tingin n’yo ba magagawa niya ang utos ni Digong na linisin ang PCSO?
Apat na dekada na akong police reporter, kaya kung ang pagbabatayan ay ang mga nasagap kong balita hinggil sa naging papel niya bilang isang maimpluwensiyang gambling operator sa bansa – matunog na HINDI ang sagot ko!
Kung bakit, abangan ninyo sa dalawa pang susunod na bahagi ng #ImbestigaDAVE.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.