MATINDING trapik ang nararanasan sa maraming bahagi ng Metro Manila nitong Biyernes. Dulot ito ng pagbaha na dahilan kung bakit hindi maraanan ang mga kalsada, sa kabila na hindi naman partikular na malakas ang bumuhos na ulan.
Matagal nang problema ng Maynila ang pagbaha, marahil dahil na rin nasa pagitan ito ng Manila Bay at ng napalilibutang mataas na bahagi ng Quezon City, at iba pang mga lungsod at bayan sa hilaga, silangan, at timog. Sa loob mismo ng Maynila, marami ang mabababang lugar kung saan napupunta ang mga baha na dumadaloy tuwing umuulan.
Sa mga nakalipas na taon, marami nang proyekto upang makontrol ang pagbaha ang binuo sa buong lungsod. Sa ilalim ng buong kahabaan ng España— ang tunnel kung saan dumadaloy ang mga tubig mula hilaga patungong Pasig, hanggang sa look. Ngunit ang ulan nitong Biyernes, ang nagdulot ng pagbaha sa España at nagdulot ng matinding trapik. Maaaring barado na naman ng mga basura ang mga drainage sa mga kalsada, na naipon noong tagtuyot.
Isang ulat mula sa Commission on Audit (COA) ang nagbigay ng isang pangunahing rason ng nagpapatuloy na pagbaha sa maraming bahagi ng siyudad. Ayon sa komisyon, inaprubahan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang nasa 170 flood control projets para sa 2018 na may kabuuang pondo na P878 milyon, ngunit tanging 53—o wala pang 33 porsiyento ang natapos.
Hindi natapos ang nasa 117 na binalahaw ng kulang na pagpaplano at kulang na koordinasyon sa Department of Public Works and Highways kasama ang iba’t ibang lokal na pamahalaang sangkot. Dahil dito, 53 proyekto lamang, na may kabuuang pondo na P273 milyon, ang natapos. Ito ngayon ang tinatrabaho upang wakasan ang pagbaha sa Maynila ngunit malinaw na hindi ito kakayanin.
Maraming hinaharap na problema ang bagong halal na alkalde ng Maynila at iba pang mga siyudad sa Metro, dalawa dito ang—basura at trapik dulot ng ma lansangan na hinarangan ng mga ilegal na nakaparadang mga sasakyan—na laman ng balita kamakailan. Mismong si Pangulong Duterte naman ang nag-utos sa mga lokal na pamahalaan na umaksiyon sa dalawang espesipikong suliranin na ito.
Isiniwalat ng pagsisimula ng panahon ng pag-ulan ang dagdag na problema ng pagbaha, na mayroon nang kabuuang plano at aktuwal na pondong inilaan. Dapat suriin ng mga bagong alkalde kung ano ang kanilang magagawa upang matulungan ang MMDA na masolusyunan ang problema na humarang sa pagtatapos sana ng 117 flood control projects noong 2018.